Patunay ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas P1.5-B SMUGGLED YOSI NASABAT SA MALABON

HINDI nagkataon ang P1.5 bilyong halaga ng mga unregistered at hinihinalang smuggled cigarettes na nasamsam ng pulisya sa Malabon City. Ayon sa mga awtoridad, bunga ito ng tuloy-tuloy na pagbabantay, maayos na palitan ng impormasyon, at mahigpit na ugnayan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Isinagawa ang operasyon bisperas ng Bagong Taon at inilahad sa press briefing noong Enero 1, kung saan natuklasan ang mga smuggled na sigarilyo sa loob ng isang cargo facility. Tatlong indibidwal ang inaresto matapos mabigong magpakita ng kaukulang dokumento para sa mga produkto.

Sa briefing, personal na inilatag ni Acting PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang detalye ng operasyon. Binibigyang-diin niya hindi lamang ang laki ng nasamsam, kundi ang proseso ng intelihensiya, kahandaan ng mga yunit, at koordinasyon ng pulisya at mga katuwang na ahensya na naging susi sa matagumpay na operasyon.

Kasama sa briefing ang mga opisyal mula sa Highway Patrol Group (HPG), Northern Police District (NPD), at Bureau of Customs Enforcement Group, na nagpakita ng iisa at malinaw na direksyon sa kampanya laban sa smuggling.

Ayon sa PNP, hindi lamang sa mga pantalan nakatuon ang operasyon kundi sinusundan ang buong daloy ng ilegal na produkto, kabilang ang mga lugar na inaakalang ligtas na ng mga smuggler.

Tinitingnan din ngayon ng pulisya ang posibleng koneksyon ng nasabat sa Malabon sa isa pang malaking kaso ng hinihinalang smuggled cigarettes sa Batangas City, na maaaring magpahiwatig ng mas malawak na smuggling network.

Sa utos ni Chief Nartatez, pinalawak ang imbestigasyon upang tukuyin ang mga ugnayan ng magkakahiwalay na insidente—isang hakbang na nagpapakita ng paglipat ng PNP mula sa hiwa-hiwalay na operasyon tungo sa pagbuwag sa mga organisadong sindikato.

Ipinapakita ng operasyong ito ang direksyon ng pamahalaan sa ilalim ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas disiplinadong pagpapatupad ng batas at mas pinatibay na inter-agency coordination, alinsunod sa panawagan ni DILG Secretary Jonvic Remulla para sa malinaw na pananagutan.

61

Related posts

Leave a Comment