PBBM BILANG DA CHIEF, THUMBS-UP SA PINOY

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

SA isang radio survey, mahigit otsenta porsyento sa mga ­respondent ang pabor na pamunuan ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA) na mahalaga sa ­pagbangon ng ekonomiya ng bansa at para magkaroon ng seguridad ang mga Pinoy sa pagkain.

Hindi mga magsasaka ang respondent kundi ordinaryong consumers na nakabase sa Metro Manila kaya kung pabor ang mga ito sa pagiging DA chief ni PBBM, ano pa kaya sa mga magsasaka, hindi ba?

Matagal nang umaaray ang mga magsasaka sa palpak na pamamahala sa sektor ng ­agrikultura na ang nakikinabang lamang ay mga middleman at hindi ang mga magsasaka mismo.

Kailangan na mismong ­Pangulo ang mamuno na sa ahensyang ito na wala nang ginawa kundi mag-import nang mag-import kaya ‘yung mga produksyon ng mga lokal na magsasaka ay hindi na binibili at itinatapon na lamang.

Tulad ng isang report na trak-trak ng carrots ang itinapon sa Benguet dahil ang daming carrots ang ini-smuggle ng mga hinayupak na smugglers sa ibang bansa lalo na sa China.

Sa report ng chairman ng House Committee on Ways and Means, 15 trillion kilograms ng plant products ang ­inaangkat ng Pilipinas kada taon na nagkakahalaga ng P150 billion.

Hindi pa siguro kasama dyan ang agricultural ­products na ­ini-smuggle sa bansa at unti-­unting ikinakalat sa mga palengke na binibili naman ng mga nagtitinda dahil ­bagsak-presyo at maibebenta nila nang mahal sa kawawang consumers.

Walang laban ang mga ­magsasaka sa smugglers dahil ang mahal ng kanilang production cost kasi wala rin ­namang ­tulong ang DA sa kanila at hindi ­consistent ang water supply.

Laging sinasabi ng DA, kulang ang kanilang budget pero hindi nangangahulugan na kailangang payagan na ang walang habas na pag-aangkat ng agri products dahil ang mga magsasaka sa China ang kanilang tinutulungan at hindi ang mga kababayan natin.

Wala na nga silang tulong, pinapatay pa nila ang mga lokal na magsasaka kaya paano makakamit ang food security? Ang tanging yumayaman lang sa bansang ito, ang mga middleman at mga smuggler eh.

Ngayon, nakababanaag na ng liwanag sa dulo ng yungib ang mga magsasaka dahil mismong si PBBM na ang mamumuno sa DA dahil importante ang sektor ng agrikultura sa pagbangon ng bansa.

Dapat tanggalin ang mga opisyales ng DA na walang ibang nakikitang solusyon sa problema kundi importation, at ibaba nang diretso sa mga magsasaka ang tulong hindi tulad ngayon na dumadaan kung kani-kaninong local officials na karaniwang nagagamit sa pulitika.

Mahaba ang usapin sa sektor na ito at ramdam namin ang problema dahil kami rin ay magsasaka.

124

Related posts

Leave a Comment