BINALAAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang publiko na huwag balewalain ang paghahanda sa oras ng sakuna at kalamidad.
Sa kanyang vlog na “Handa sa Sakuna,” sinabi ng Pangulo na dapat may plano ang bawat pamilya — alam kung saan pupunta, saan magtatagpo, at ano ang gagawin kapag may lindol o bagyo.
Ipinaalala rin niya ang kahalagahan ng go bag na may lamang pagkain, tubig, gamot, flashlight, dokumento, at emergency cash.
“‘Pag kailangan tumakbo, kukunin na lang ninyo — handa na lahat,” aniya.
Binigyang-diin ni Marcos ang tamang impormasyon at pag-iwas sa fake news na nagdudulot ng panic.
“Makinig lang sa opisyal na sources tulad ng LGU, PAGASA, PHIVOLCS, at DSWD,” dagdag niya.
Ayon sa Pangulo, patuloy ang paghahanda ng gobyerno, kabilang ang paglalagay ng food packs at emergency kits sa mga LGU.
“Mas mahalaga ang pagiging handa kaysa sa pagresponde,” ani Marcos.
Sa huli, pinaalalahanan niya ang lahat:
“Likas sa ating bansa ang sakuna, kaya dapat likas din sa atin ang pagiging handa.”
(CHRISTIAN DALE)
