IPINAGMALAKI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang patuloy na reporma ng pamahalaan upang mapabilis at mapababa ang gastos sa internet services sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa Philippine Telecommunications Summit 2026 sa Pasay City, sinabi ng Pangulo na patuloy ang pakikipagtulungan ng pamahalaan sa Department of Information and Communications Technology upang palawakin ang digital connectivity sa buong bansa.
Kabilang sa binigyang-diin ng Pangulo ang pagpasa ng Konektadong Pinoy Act na nagtanggal ng ilang hadlang sa industriya at nagbukas ng mas malawak na partisipasyon ng mga provider.
Sa ilalim ng batas, hindi na kailangan ng congressional franchise upang makapagtayo at makapag-operate ng data transmission networks na inaasahang magpapabilis sa pag-unlad ng sektor.
Isinusulong din ang infrastructure sharing at co-location upang maiwasan ang dobleng gastos at mapababa ang deployment cost ng internet services.
Ipinahayag din ni Marcos na natapos na ang Phase 1, 2 at 3 ng National Fiber Backbone Project kung saan nabigyan ng internet connectivity ang 690 ahensya ng gobyerno na nakinabang ang halos 17 milyong Pilipino.
Sa ilalim naman ng Free Public Internet Access Program, mahigit 9,500 free Wi-Fi access points na ang naitatag sa higit 5,000 pampublikong lugar sa bansa.
Kasama rin sa programa ang Bayanihan SIM Card Project na nakapagbigay ng mahigit 89,400 subsidized SIM cards para sa mga estudyante, guro at mahihirap na komunidad.
Nagpasalamat ang Pangulo sa pribadong sektor sa patuloy na pamumuhunan sa telekomunikasyon na inaasahang magdadala ng multi-bilyong pisong investments sa bansa.
(CHRISTIAN DALE)
4
