NAGBABALA ang Philippine Coast Guard (PCG) laban sa isang video post ni Cavite Congressman Kiko Barzaga na umano’y sumisira sa integridad at propesyonalismo ng kanilang institusyon.
Ayon kay PCG West Philippine Sea Spokesperson Commodore Jay Tarriela, naglalaman ang naturang video ng mapanlinlang at nakapipinsalang pahayag na layong pababain ang kredibilidad ng Coast Guard.
Pinalagan ni Tarriela ang mga sinabi ni Barzaga na “walang silbi” umano ang operasyon ng PCG sa West Philippine Sea at posibleng magdulot pa ng “World War III.”
“Bahagi ng aming mandato ang protektahan ang soberanya ng bansa, ang mga mangingisda, at ang ating karagatan — hindi ito provocation kundi tungkulin ng patriotismo,” giit ni Tarriela.
Tinuligsa rin ng opisyal ang akusasyon ni Barzaga na korap at dapat ipasara ang PCG, na tinawag niyang “irresponsable at insulto.”
Dagdag pa ni Tarriela, malinaw sa batas na ang PCG ay isang civilian maritime organization at hindi military unit, kaya’t walang basehan ang mga pahayag ng kongresista.
(JOCELYN DOMENDEN)
34
