PCG SA MGA DEBOTO: IBAYONG PAG-IINGAT AT PAGSUNOD SA PATAKARAN SA TRASLACION

Nanawagan ang Philippine Coast Guard (PCG) sa publiko na maging alerto at sumunod sa mga alituntunin ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kaugnay ng idaraos na Traslacion bilang bahagi ng Kapistahan ng Poong Jesus Nazareno.

Layunin ng panawagan na matiyak ang payapa at ligtas na pagdaraos ng prusisyon na inaasahang dadaluhan ng mahigit walong milyong deboto.

Kaugnay nito, magdedeploy ang PCG ng higit sa 300 unipormadong personnel na makatuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Manila City Local Government Unit, at iba pang ahensya upang tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa pinakamalaking religious gathering na gaganapin bukas.

Ayon kay PCG Spokesperson Capt. Noemi Cayabyab, kabilang sa mga lugar na tututukan ang Quirino Grandstand, Jones Bridge, Ayala Bridge, at ang paligid ng Quiapo Church para sa crowd management at emergency response operations.

Dagdag pa ni Cayabyab, nag-deploy na rin ang PCG ng mga medical teams, K9 units, search and rescue teams, Explosive Ordnance Disposal (EOD) forces, Special Operations Groups, Civil Disturbance Management teams, at Deployable Response Groups na handang rumesponde sa anumang emerhensiya, kabilang ang mga insidenteng maaaring mangyari sa lupa at karagatan.

(JOCELYN DOMENDEN)

56

Related posts

Leave a Comment