MULING pinagtibay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Office of the Solicitor General (OSG) ang kanilang tambalan upang higit pang palakasin ang anti-narcotics campaign ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa buong bansa.
Pormal na pinagtibay ang panibagong kolaborasyon sa pamamagitan ng paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) noong Pebrero 4, 2026 sa OSG Office, Padilla Hall, Makati City.
Lumagda sa kasunduan sina Solicitor General Darlene Marie B. Berberabe para sa OSG at PDEA Director General Isagani R. Nerez.
Tampok sa MOA ang pangako ng magkabilang panig na tiyakin ang mahusay na pagsasampa, mahigpit na pagsubaybay, at masigasig na pag-uusig ng mga naaangkop na kasong kriminal at sibil, kabilang ang mga paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa ilalim ng kasunduan, magtatatag ang OSG ng isang nakalaang task force na binubuo ng mga solicitor na magbibigay ng legal na tulong sa PDEA sa masinsinan at tuloy-tuloy na kampanya laban sa ilegal na droga.
Kabilang sa suporta ang pagsusuri ng mga sinumpaang salaysay, pakikilahok sa mga case conference, at pagpapalakas ng testimonya ng mga saksi upang mapataas ang tsansa ng matagumpay na pag-uusig sa mga kaso ng droga.
Kapalit nito, nangako ang PDEA na ibibigay sa OSG ang lahat ng kinakailangang impormasyon at datos kaugnay ng mga kasong nasa hurisdiksyon nito, pati na ang pagsasagawa ng mga training at seminar para sa mas epektibong pagpapatupad ng batas.
“Ang kasunduang ito ay malinaw na indikasyon na ang pagpapatupad ng batas ay hindi nagtatapos sa pag-aresto. Ang matagumpay na pag-uusig ay kasing halaga rin,” paliwanag ni Director General Nerez.
(JESSE RUIZ)
8
