PEACEFUL ANG BONIFACIO DAY RALLY

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

MATAGUMPAY na naiparating ng mga Pilipino sa kanilang isinagawang kilos-protesta nitong Linggo sa iba’t ibang lugar, sa mga kinauukulan ang kanilang panawagan na managot ang lahat ng mga kurakot sa pamahalaan.

Bagama’t iisa ang panawagan ng mga nagsagawa ng kilos-protesta na panagutin ang mga nagnakaw sa kaban ng bayan, tila hindi naman sila magkasundo kung sino sa mga nagnakaw ang dapat managot.

May mga nagsabi na panagutin at dapat mag-resign sina Vice President Inday Sara Duterte at President Bongbong Marcos, Jr. hanggang sa pinakamababang posisyon sa gobyerno na sangkot sa nasabing katiwalian.

May nananawagan na si BBM lang ang mag-resign dahil sa kanyang administrasyon pumutok ang pinakamatinding korupsyon at siya ang pumirma ng 2023, 2024 at 2025 national budget na pinagmulan ng maanomalyang bilyun-bilyong pisong flood control projects.

Una niyang ipinagmalaki noong 2024 State of the Nation Address (SONA) na may 5,500 flood control projects na natapos na ang kanyang administrasyon at may ginagawa pa.

Tinamaan ng mga kalamidad ang bansa sa panahon na ‘yan, kaya naungkat at hinanap ng publiko ang ipinagmamalaking flood control projects ng BBM administration.

Walang naipakita si PBBM sa taumbayan na flood control projects, kung kaya’t noong July 28, 2025 sa SONA ay sinabi niya sa harapan ng mga panauhin na walang mga dangal na mga mambabatas, na “MAHIYA NAMAN KAYO!”

Dahil dito, nagsagawa siya ng inspeksyon sa iba’t ibang parte ng bansa at napatunayan niya na maraming flood control project ang ghost o kaya naman ay substandard.

Hanggang sa humantong sa imbestigasyon ng Kamara at Senado na kung saan ay ibinulgar ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na labing-pitong dati at kasalukuyang kongresista ang kumukuha ng komisyon sa kanilang mga proyekto mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

At lumutang naman si dating Ako Bicol Representative Zaldy Co na itinuro na sina dating House Speaker Martin Romualdez at BBM ang pinakamalaking nakikinabang sa kickback mula sa pondo ng mga proyekto ng gobyerno.

Kaya dito lalong nagalit ang mga Pilipino sa matinding korupsyon sa pamahalaan na humantong sa kaliwa’t kanang kilos-protesta.

Bagama’t may mga protesta laban sa korupsyon ay hindi naman nagkakasundo ang mga nagsasagawa ng rali kung sino ang dapat nilang panagutin.

Mayroon sa kanila na hindi naniniwala na si BBM ang utak sa katiwalian base sa isiniwalat ni Zaldy Co.

Kaya ang ilan sa kanila ang gustong panagutin lamang ay si Zaldy Co at iba pang mga mambabatas na kasangkot sa katiwalian.

Marami naman ang naniniwala na hindi magagawa ni Zaldy Co ang korupsyon kung walang basbas sa kanya sina dating Speaker Martin Romualdez at BBM na kanyang mga boss.

May mga nagsasabi naman na pati si Inday Sara ay gusto nilang mag-resign kahit na wala itong kinalaman sa insertions sa national budget na pinagmulan ng maanomalyang flood control projects.

Dahil sa hindi pagkakasundo ng mga raliyesta at kanilang politikong sinusuportahan ay malabong mapapanagot ang utak sa matinding korupsyon sa pamahalaan.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

90

Related posts

Leave a Comment