PEKENG ONLINE ENDORSEMENT KAKALKALIN NG SENADO

MAGSASAGAWA ng pagdinig sa Senado kaugnay ng pagdami ng mga pekeng online endorsement ng mga sikat na personalidad at mapanlinlang na advertisement posts sa social media sa ibinebentang mga produkto na hindi rehistrado.

Pangungunahan ni Senador Jinggoy Estrada ang pagsisiyasat sa pamamagitan ng kanyang Senate Resolution No. 666, ayon sa kanya panganib ang idinudulot sa mga konsyumer ng naglipanang online marketing materials at impostor pages o accounts na nagpo-promote ng mga hindi rehistradong produkto.

Ito ay para sa iba’t ibang karamdaman o benepisyo sa kalusugan gamit ang pangalan at larawan ng mga lokal na personalidad at sikat na mga artista.

Sinabi pa ng senador na ang ganitong advertisements ay naglilinlang sa mga mamimili na ang mga sikat na personalidad ay gumagamit at nag-eendorso ng pagkain at gamot na hindi pa rehistrado sa mga kinauukulang ahensya at hindi pa aprubado para ipamahagi at ibenta sa publiko.

Binanggit pa niya na marami na ang nakapanood at nag-share ng mga ganitong maling impormasyon tungkol sa epekto, kalidad at kaligtasan ng pagkain, gamot at mga produktong pangkalusugan na kalat na ngayon sa social media platforms.

Partikular na tinukoy ni Estrada ang mga ulat tungkol sa umano’y pag-endorso ng produkto ni Dr. Willie Ong, isang internist at cardiologist, na may maraming social media followers, sa isang mixed nuts na “miracle food.”

Maging ang napabalitang paggamit ng pangalan at larawan ni Dr. Tony Leachon upang ipahiwatig ang kanyang paggamit at pag-endorso umano sa isang produktong gamot sa diabetes.

Ayon pa sa kanya, kinakailangang matukoy at matugunan ang mga posibleng butas sa umiiral na mga batas at regulasyon gayundin ang pag-update sa mga probisyon ng mga ito sa gitna ng malawakang paggamit ng social media platforms at cyberspace.

Kasama na ang nakababahalang paggamit ng mga malisyosong manipulated images, spliced videos at gawa-gawang pahayag sa pag-promote ng mga pagkain at produktong pangkalusugan.

Sana Senator Jinggoy, isama n’yo na rin sa inyong pagsisiyasat ang naglipanang raffle draws ng mga gadget, motorsiklo, kotse, at maging ng bahay.

Marami rin ang naaakit sa raffle promos na ito gamit ang social media platforms, ang galing ng kanilang pang-akit na sa murang halaga lang ay magkakaroon ka na ng gadgets, motorsiklo, kotse at bahay.

Ang nasa likod ng mga pa-raffle na ito ay hindi malinaw ang pangalan ng kumpanya at wala ring mga address.

Kung gumagamit kayo sir, ng Facebook, makikita n’yo yan, napakaraming nagpo-post ng pa-raffle ng mga sasakyan at bahay na nagsisimula sa per slot na P150 hanggang P500, at milyong pisong cash ang halaga ng premyo.

Paano nga naman hindi makaaakit ng netizens na sa ganyang halaga lang ay magkakaroon na sila ng kotse at bahay na milyones ang halaga?

Sana po matigil na ang mga raket na ito para hindi na dumami pa ang mabiktimang mga Pilipino.

oOo

Para sa sumbong, maaari po kayong mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

149

Related posts

Leave a Comment