PEOPLE POWER 40 KICK-OFF CONCERT, NILAHUKAN NG HIGIT 20,000

MAHIGIT 20,000 katao ang dumagsa sa Quezon Memorial Circle para sa People Power 40 Kick-Off Concert na nagsilbing makulay na panimula sa paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Batay sa pagtaya ng pamahalaang lungsod ng Quezon City, lumobo sa higit 20,000 ang dumalo sa event na inorganisa ni Mayor Joy Belmonte at ng Mayors for Good Governance, kasama si Senador Bam Aquino at ang Kaya Natin! Movement.

Sa temang “Awit at Aksyon Kontra Korapsyon,” tampok ang pagtatanghal ng mga mang-aawit, rock bands, rappers, comedians at dance groups na nagbuklod sa iba’t ibang henerasyon.

Binuksan ng acoustic icon na si Ice Seguerra ang programa sa pag-awit ng “Bayan Ko,” na sinabayan ng light show sa pylon ng Quezon Memorial Circle.

Nagbigay-pugay sina Elmo Magalona at Arkin Magalona sa alaala ng kanilang amang si Francis Magalona sa pamamagitan ng kanyang mga hit.

Pinatawa nina Alex Calleja at Red Ollero ang crowd, habang pinakilig nina Ebe Dancel, Amiel Sol at Earl Agustin ang manonood.

Nag-perform din sina Nica del Rosario at Pio Balbuena, pati ang hip-hop group na Morobeats na tumuligsa sa korapsyon at sa pangha-harass ng China sa West Philippine Sea.

Pinagliyab ng Rivermaya ang entablado kasama ang Quezon City Symphonic Band bago tinapos ang gabi sa fireworks display—simbolo ng pagkakaisa at pag-asa.

Ayon sa mga dumalo, nagsilbi ang konsiyerto bilang bagong paraan ng pag-alala at pagbibigay-pugay sa EDSA na pinagsamang alaala at panawagan para sa pananagutan ng mga tiwaling opisyal.

(DANNY BACOLOD)

1

Related posts

Leave a Comment