SA halip na frustrated murder, nauwi na lamang sa frustrated homicide ang kasong inihain ng Mandaluyong City Prosecutor’s Office laban sa kontrobersyal na SUV driver na umararo sa isang gwardiyang iniwan matapos ang insidenteng nag-viral sa social media.
Sa limang-pahinang resolusyon ng piskalya, iginiit ng taga-usig na walang matibay na ebidensyang nagpapatunay na pinagplanuhan at may motibong patayin ng suspek na si Jose Antonio Sanvicente, ang biktimang si Christian Joseph Floralde noong Hunyo 6 ng taong kasalukuyan.
Malinaw sa video na hinugot sa CCTV, sinadya ni Sanvicente ang pananagasa kay Floralde na ilang ulit siyang pinahinto. Ang masaklap, matapos niyang bundulin ang pobreng security guard, inatrasan pa niya para tiyaking hindi maka-Babangon si Floralde na ang tanging kasalanan lang ay gawin ang iniatang sa kanyang trabaho.
Ang totoo, hindi kailangan ng isang dalubhasa sa larangan ng batas para makita ang motibo batay sa kumalat na video.
Sa mga nakalipas na panahon, hindi si Sanvicente ang kauna-unahang nagpamalas ng pagiging siga sa lansangan. Marami sa kanila, nakulong at nagdusa sa kanilang kasalanan.
Pero si Sanvicente, sadyang naiiba. Hindi lang pera ang meron siya at ang kanyang pamilya. May kakampi silang may impluwensya.
Hindi madaling ilarawan ang simbuyo ng damdamin ng mga Pilipino sa pagiging arogante ng isang mucho-dinerong suspek na ‘di man lang nakatikim matulog sa masikip at mabahong seldang laan para sa mga lumalabag sa batas.
Sa isang bansang demokratiko, karapatan ni Floralde na humanap ng hustisya. Gayundin si Sanvicente na may karapatan salagin ang alegasyon sa harap ng isang patas na paglilitis ng husgado.
Pero sa salpukan sa pagitan ng may pera at “walang-wala”, malinaw na dehado si Floralde.
‘Yan dapat ang atupagin ng mga abogado de kampanilyang puro pasikat lang sa social media. Dapat din marahil tutukan ng media ang mga pagdinig upang tiyaking walang magaganap na “himala”.
Mahirap na! Baka malusutan pa tayo ng inaanak ng nanay niya!
133