Pera ng bayan babantayan TRANSPARENCY SA GOV’T PROJECTS — EX-ES RODRIGUEZ

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

BINIGYANG-DIIN ni dating executive secretary atty. Vic Rodriguez ang kahalagahan ng transparency sa mga proyekto ng gobyerno.

Sa media forum sa Kamuning, Quezon City kamakalawa, muling binanggit ni Rodriguez ang giyera kontra korupsyon na kanyang itataguyod sakaling palarin sa Senado sa susunod na taon.

Hinimok din nito ang taumbayan na sama-samang bantayan ang deliberasyon ng national budget upang malaman kung nagagamit nang tama.

Kinuwestiyon din niya kung saan napunta ang bilyong pondo para sa 5,500 flood control projects na ipinagmalaki ng gobyerno.

Aniya, kung totoong may 5,500 flood control projects ay bakit binabaha pa rin partikular sa Metro Manila.

Matatandaang magkakasunod na sinalanta ng bagyo ang bansa at pinakahuli na rito ang super typhoon Pepito na nagpalugmok sa maraming Pilipino.

“Anong nangyari sa 5,500 flood control projects? Bakit hindi maituro ng gobyerno kung nasaan ang mga ito?” tanong ni Rodriguez.

Ani Rodriguez, hindi siya papayag na malustay na lamang ang pera ng bayan na nagmumula sa buwis ng mga Pilipino.

Hindi aniya sana naghihirap ang Pilipinas kung nagagamit lang nang tama ang pondo ng gobyerno.

Bukod kay Atty. Rodriguez naging panauhin din sa forum si dating senador Nikki Coseteng at tinalakay ang kalagayan ng overseas Filipino workers (OFWs).

Anila, imbes na mga Pilipino, dapat ay produktong Pinoy ang ipinadadala ng Pilipinas sa ibang bansa.

Kung wala anilang korupsyon ay hindi na kakailanganin pa ng mga Pilipinong mangibang bansa para magtrabaho.

92

Related posts

Leave a Comment