LUBOS na pagkadismaya sa aniya’y mababang kalidad ng serbisyo ang nagtulak kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos na kalampagin ang National Telecommunication Commission (NTC) para tukuyin ang tunay na estado ng internet connectivity sa bansa.
Ani Marcos, kailangan magsagawa ng isang pagsusuri ang NTC upang alamin ang kakayahan ng mga pribadong kumpanyang dapat aniyang nagbibigay ng dekalidad na serbisyo sa mga Filipino, lalo pa’t hindi umano biro ang kinikita nito sa taas na singil nila sa internet users.
Partikular na tinukoy ni Marcos ang malayong diperensya sa pagitan ng mga datos na nakalap kaugnay ng isinasagawang online classes ng Department of Education (DOH) sa gitna ng patuloy na banta ng pandemya. Aniya, hindi nakalulugod ang mga daing ng mga guro at mag-aaral na gumagamit ng internet sa pagdaraos ng mga klase.
Ayon mismo sa Department of Information and Communications Technology (DICT), nakapagtala lamang ng 71.17 megabits per second ang average download speed para sa fixed broadband para sa buwan ng Hulyo. Dagdag ng DICT, 66.55 mbps lamang ang naitala para sa buwan ng Hunyo.
Umabot naman sa 32.84 mbps ang mobile internet download speed para sa buwan ng Hunyo samantalang 33.69 mbps naman nang sumunod na buwan.
Bunsod nito, umangat na sa ika-63 mula ika-72 ang pwesto ng Pilipinas batay sa talaan ng 139 bansang lubos na umaasa sa internet connectivity sa pamamahala at pagnenegosyo.
Bagamat mayroon na aniyang pagbilis sa internet speed at efficiency, higit na kailangan pa din suriin ang kakayahan ng mga internet providers lalo pa’t papalapit na ang pagbubukas muli ng klase.
“With online classes set to start in a few days, the NTC should conduct a thorough performance audit on our Telcos so we can avoid a repeat of instances where teacher and students had to risk life and limb just to get better internet connection,” ani Marcos.
“While it is good to see our internet download speeds improve, the experience of teachers and students show it does not necessarily translate to better overall user experience. It is high time for Telcos to focus on improving parameters such as coverage and stability of connection which impacts day to day use,” dagdag pa ng dating senador.
Batay sa pag-aaral ng National Research Council of the Philippines (NRCP), lumalabas din na ang internet speed at connectivity ang pinakamalaking hamon sa mga gurong nagsasagawa ng online classes sa ilalim ng distance learning system ng DepEd.
Bahagi rin ng nasabing pagsasaliksik ng NRCP ang nagsasabing 90% ng mga guro sa elementarya, junior high school at senior high school ang nahihirapan bunsod ng mahinang signal sa mga kanayunan.
Nasa 71.87% naman ng 28,859 guro sa mga pampublikong paaralan ang nagsabing kinailangan pa nilang gumastos sa para bumili ng data sa hangaring magkaroon ng internet connectivity, habang 32.50% naman ang piniling gumamit ng fiber internet. Dagdag pa ng NRCP, 10.38% naman ang umaasa sa DSL at and 20.61% naman ang piniling gumamit ng mga portable Wifi devices.
Aminado naman si DepEd Secretary Leonor Briones na nananatiling hamon pa rin sa kanilang kagawaran ang stable internet connectivity para sa mga guro mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Daing pa ng kalihim, hindi magiging ganap ang tagumpay ng distance learning system hanggat hindi natutugunan ang kanilang panawagan para sa equitable internet access.
“It is imperative for the NTC to push through with this performance audit to verify whether the objectives of the rollout plans submitted by these telcos are being achieved. A large number of teachers use mobile internet for their distance learning classes which makes it a top priority for improvement,” sambit pa ng dating senador.
“This pandemic has highlighted the importance of having a strong digital infrastructure and I reiterate my appeal to the government to include projects in the Build, Build, Build program that will ensure our people has access to affordable and reliable internet.” (FERNAN ANGELES)
