Pero tahimik sa ethics complaint laban kay Sen. Chiz? SEN. JV EJERCITO NAKADALO SA BIR HEARING

HABANG naka-confine sa ospital dahil sa isang hindi isiniwalat na karamdaman, dumalo sa pamamagitan ng virtual si Senator JV Ejercito sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y iregularidad sa Letters of Authority (LOAs) ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong Huwebes, Disyembre 11, 2025.

Sa naturang pagdinig, inilatag ni Ejercito ang mga detalye ng umano’y modus sa paglalabas ng LOAs at pinalobong tax assessments sa BIR, batay sa mga reklamong natanggap ng kanyang tanggapan ilang araw bago ang pagdinig.

Kasabay nito, muling ibinato ng isang abogado ang isyu ng kawalan pa rin ng aksyon ng Senate Committee on Ethics, na pinamumunuan ni Ejercito, sa isang ethics complaint laban kay Senator Francis “Chiz” Escudero na inihain mahigit 70 araw na ang nakalipas.

“The ethics complaint against then Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero filed in October 2025 with 347 citizen-signatories remains without a case number under Senator JV’s watch,” pahayag ni Atty. Marvin B. Aceron, pangunahing nagrereklamo.

“The Chair of the Ethics Committee found time to attend a week-old investigation’s hearing in spite of his confinement.”

Noong Oktubre 2, naghain si Aceron ng isang beripikadong ethics complaint laban kay Escudero na naglalaman ng mga alegasyon hinggil sa umano’y ₱35 milyon na nawawala sa financial statements ng Centerways Construction, kumpanyang pag-aari ng campaign donor ni Escudero na si Lawrence Lubiano; ₱30 milyon na donasyon sa 2022 Senate campaign ni Escudero; at ₱16.67 bilyong kontrata ng DPWH na nakuha ng Centerways sa kasalukuyang termino ng Senado.

Sinundan ito ng isang omnibus motion at bukas na liham na nilagdaan ng 347 mamamayan, kabilang ang ilang propesyonal, National Artist for Literature Virgilio Almario, at 1987 Constitutional Commissioner Prof. Ed Garcia.

Noong Nobyembre 6, kinilala ni Ejercito sa isang liham ang pagtanggap ng reklamo at sinabi na may tatlo pang nakabinbing ethics complaints sa Senado. Nangako rin siyang ipatutupad ang “first in, first out” (FIFO) na pagproseso kapag muling nagtipon ang komite noong linggo ng Nobyembre 10–14.

“The Committee intends to deliberate on the four pending complaints filed against individual senators in the order they were received, following a ‘first in, first out’ approach,” ayon kay Ejercito sa kanyang liham.

Gayunman, hanggang Disyembre 16, wala pa ring case number na inilalabas para sa reklamo laban kay Escudero. Dahil dito, nagsumite si Aceron ng isang mosyon noong Disyembre 9 na humihiling sa Senado na magpatupad ng barangay-style docketing system.

“We ask the Senate to assign a case number immediately upon filing, enter it into a public docket, acknowledge receipt in writing, and provide a timeline for action,” ani Aceron.
Nilinaw ng abogado na hindi sila humihiling ng agarang desisyon kundi ang pormal na pagtanggap at pag-usad ng proseso.

Ayon pa kay Aceron, nauunawaan nila ang kalagayan ni Ejercito at ipinagdarasal ang kanyang paggaling, ngunit umaasa silang maipatupad ang tamang proseso sa oras na muling makapag-operate ang komite.

(ETHEL G)

91

Related posts

Leave a Comment