HINDI pa man sumasapit ang kinapapanabikang araw ng halalan, inuulan na ng reklamo ang mga nangangampanya.
Mabigat na daloy ng mga sasakyan, nakatutulig na ingay at basurang naiwan pagkatapos magdaos ng political rallies, caravan at motorcade ng mga
kandidato at kanilang tagasuporta.
TRAPIK. Sa Quezon City, kabi-kabila ang pagtuligsa sa isang kandidato sa pagka-kongresista sa ikalimang distrito. Dangan naman kasi, sinakop ang buong kalsada mula umaga hanggang sa matapos ang kanilang programa sukdulang magmukhang dambuhalang parking area ang malawak na daang inilaan bilang daanan ng mga pampublikong sasakyan. Gayundin sa tuwing may caravan, motorcade at parada.
INGAY. Sa gitna ng mga idinaraos na klase sa mga paaralan at pagtatrabaho ng mga empleyado sa kanilang opisina (pati mga manggagawang sa ilalim ng work-from-home arrangement), walang tigil sa pag-iikot ang mga sasakyang kargado ng nakatutulig na trumpetang paulit-ulit na binabanggit ang pangalan ng kandidatong ibinibida – sa hangaring tumimo sa isipan ng mga tao ang pangalan nila.
BASURA. Isang buwan bago ang araw ng halalan, mistulang basurahan na ang mga lansangan sa dami ng mga basurang mula sa mga aktibidades na kalakip ng pangangampanya. Santambak na basurang nakokolekta pagkatapos magdaos ng political rally, campaign materials na nakasabit, nakadikit at nakakabit sa mga lugar na labas sa itinakdang common posting area ng Commission on Elections.
Nakalulungkot isiping bahagi ng plataporma ng halos lahat ng kandidato ang kaayusan ng pamayanan, kalinisan ng kapaligiran at luntiang kalikasan pero
sa kanilang inaasal, tila paandar lang sa mga botante ang kanilang pangako.
Pero higit na nakadidismaya ang Comelec na mistulang walang magawa sa garapalang paglabag ng mga kandidatong bida sa mga nagkalat na polyetong nakapaskil saan ka man lumingon.
Ang totoo, matagal nang problema ang basura – may halalan man o wala. Pero sadyang nakakaalarma ang dami ng basura sa panahon ng kampanya. Ang tanong – kanino bang responsibilidad ang paglilinis ng mga lansangang dinaanan ng mga parada ng mga politikong puntirya ang makapwesto sa gobyerno?
Local Government Units (LGUs) ba?
Sa isang banda, tama namang linisin ng LGUs ang kanilang nasasakupan, subalit mas angkop kung ang mga mismong nagkalat ay may sariling kusa.
Karamihan ng LGUs ay may kanya-kanyang ordinansang nagtatakda ng parusa at multa sa mga lalabag sa panuntunan kaugnay ng proper solid waste disposal o ang wastong pagtatapon ng basura. ‘Yan mismo ang dapat ipatupad ng LGUs.
Gayunpaman, tila wala maski isa man lang sa LGUs ang umalma sa barubal na asal ng mga partido, kandidato at mga tagasuporta.
At ang Comelec? Hay naku, huwag na umasa lalo pa’t hanggang banta kundi man puro dada lang naman ang naturang ahensya.
371
