PH PATULOY IGIGIIT SOBERANYA SA WPS

IPAGPAPATULOY ng Pilipinas ang paggiit sa soberanya nito sa West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng panawagan ni Senador Rodante Marcoleta na isuko ang Kalayaan Island Group (KIG) sa Palawan.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nananatili ang polisiya ng administrasyon na huwag isuko ang kahit anong bahagi ng teritoryo ng bansa sa mga dayuhang kapangyarihan.

“Ipagpapatuloy ng Pangulo ang kanyang polisiya na ipaglaban ang West Philippine Sea. Even an inch of our territory ay hindi isu-surrender sa foreign powers,” pahayag ni Castro sa isang panayam.

Dagdag pa niya, “Hayaan na lamang natin ang Pangulo, ang Department of Foreign Affairs (DFA), at ang pamahalaan na magdesisyon patungkol diyan.”

Sa isinagawang Committee on Appointments hearing noong Miyerkoles, sinabi ni Marcoleta na dapat nang isuko ng Pilipinas ang KIG dahil umano ang mga feature nito ay lampas na sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

“Meron tayong mga isla na occupied natin ngayon, ang KIG. May apat na features sa KIG—Pag-asa, Parola, Kota, at Lankiam. Incidentally, itong apat na features ay way, way beyond our EEZ.

Wala sila sa sakop ng EEZ,” ayon kay Marcoleta.

“Ang gawin natin para madali, i-give up natin ang KIG, then ma-ko-coordinate na natin lahat,” dagdag pa niya.

(CHRISTIAN DALE)

13

Related posts

Leave a Comment