(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
INTERESADO pa rin ang publiko na pag-usapan ang mga isyu laban sa administrasyong Marcos Jr. tulad ng kontrobersyal na paglilipat sa PhilHealth fund at ang national budget ngayong 2025.
Ayon kay dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) chairman Greco Belgica, bagaman nakatutok ang publiko ngayon sa pagkakakulong ni dating pangulong Rodrigo Roa Duterte sa detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, nananatili ang interes ng mamamayan na mapag-usapan ang mga ipinupukol na isyu laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa kabilang dako, pinangangambahan ng isang ekonomista na tuluyang makaligtaan ng Marcos Jr. admin na tugunan ang kagutuman sa Pilipinas.
“Itong nararanasan na kagutuman ng ating mga kababayan ang malaking factor diyan ay ang malaking kabiguan ni Marcos Jr. na ma-address ang kagutuman sa ating bansa,” ayon kay Dr. Michael Batu sa isang panayam sa SMNI News.
Ani Batu, ang patuloy na paghina sa halaga ng piso ay nagdudulot din ng mas mataas na presyo sa mga inaangkat na pagkain at lalong nagpahirap sa mga Pilipino.
Dagdag pa nito, mahalaga rin ang kalidad ng mga trabahong nalilikha sa bansa at kahit mababa ang unemployment rate, marami pa rin umano ang nagugutom.
