PHILHEALTH IBINIDA P271-B LAAN SA EXPANDED HEALTH BENEFIT PACKAGES

PINANGUNAHAN ni Senator Christopher ‘Bong’ Go, chairman ng Senate committee on health and demography ang pagtalakay sa sumobrang pondo ng PhilHealth at ang pag-update sa mga bayarin nito sa pagkakautang katulad ng health emergency allowance at implementasyon ng Malasakit Center Act. Nagpaliwanag naman si PhilHealht President at CEO Emmanuel Ledesma Jr. tungkol sa mga pagbabago sa kanilang ahensya. (DANNY BACOLOD)

TINIYAK ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na may sapat silang budget para pondohan ang kanilang bagong expanded health benefit packages.

Sa pagdinig ng House committee on health na ipinatawag ng chair nito na si Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr., sinabi ng mga PhilHealth official sa pangunguna ni President and Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma Jr., na umaabot sa P492 billion ang kanilang cash-on-hand hanggang noong December 31, 2024.

Madaragdagan pa umano ang pondong ito ngayong 2025 dahil inaasahan na makakokolekta ang mga ito ng P203 billion sa mga direct contributor mula sa empleyado ng gobyerno at pribadong sektor na mas malaki sa P178 billion na nakolekta ang mga ito noong 2024.

Sobra-sobra aniya ito sa P271 billion na kailangan para mga dati at bagong health packages kung saan kasama na ang mga outpatient na makagagamit ng PhilHealth lalo na ang mga itinakbo sa emergency room (ER) subalit pinauwi matapos ang ilang oras.

Itataas na rin ang kontribusyon ng PhilHealth sa mga pasyenteng may sakit sa puso dahil mula sa dating P30,000 ang sagot ng mga ito sa percutaneous coronary intervention (PCI) o coronary angioplasty ay magiging P540,000 na ito.

Sa kaso ng kidney transplant, magiging P1 million na ang sasagutin ng PhilHealth mula sa kasalukuyang P600,000 kapag buhay ang kidney donor habang P2.14 million mula sa namatay na tao.

Ilan lamang ito sa bagong health packages ng PhilHealth na inilabas matapos bugbugin ng batikos ang gobyerno dahil hindi binigyan ang mga ito ng subsidy sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA).

“So P271 billion is the total new number for total expected benefit packages in 2025. So may pondo. Liquid kayo. Kaya natin itong pondohan, itong packages na ating binabanggit,” paniniyak ni Marikina Rep. Stella Quimbo na inayunan ni Ledesma.

“Sana nga ma-implement na natin ito ng madali at maayos,” ayon pa kay Quimbo, acting chair ng House appropriations committee. (BERNARD TAGUINOD)

86

Related posts

Leave a Comment