PATAY ang isang air force pilot nang bumagsak ang pinalilipad niyang Philippine Air Force (PAF) MG-520 attack helicopter sa Bohol nitong Martes ng umaga habang nagsasagawa ng maintenance and equipment test flight kasama ang tatlo pang sundalo.
Kinumpirma ng Jetafe Municipal Police Station ang pagkamatay ng hindi muna kinilalang piloto ng PAF MG-520 attack helicopter matapos na bumagsak sa may coastal area ng Handayan Island sa bayan ng Jetafe.
Sa inisyal na ulat, bago bumagsak ang chopper ay nakatalon ang co-pilot nito at dalawang crew habang pinipilit ng piloto na maibaba sa ligtas na lugar ang chopper.
Agad namang nadala sa Ubay Hospital sa Bohol ang tatlong sugatang crew.
Tumangging magbigay ng kumpirmadong ulat si Air Force spokesperson Lt. Col. Maynard Mariano dahil kasalukuyan pa umano silang nagsasagawa ng kanilang sariling imbestigasyon.
Tanging ibinahagi ni ni Col. Mariano na nagmula sa Benito Ebuen Air Base sa Mactan, Cebu ang MD-520MG attack helicopter mula sa kanilang 15th Strike wing bandang alas-9:30 ng umaga para sa isang engineering flight nang bumgsak ito. (JESSE KABEL)
388
