Pinabubusisi sa Kamara MAY NALIBRE SA PDEA RAID

MAY hiwagang bumabalot sa likod ng diumano’y pagpapalusot ng isang kilalang tauhan ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa operasyon kontra drogang inilunsad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang beach party sa bayan ng Mabini sa lalawigan ng Davao de Oro kamakailan.

Ito ang giit ng mga militanteng kongresistang kasapi ng Makabayan bloc kasabay ng paghahain ng isang resolusyon sa Kamara para sa malalimang imbestigasyon sa umano’y cover-up na ginawa ng mga otoridad kay Jefry Tupas na tumatayong information officer ng alkalde nang maganap ang pagsalakay ng PDEA sa Barangay Pindasan ng nasabing bayan nito lamang Nobyembre 6.

Sa paghahain ng House Resolution 2342, partikular anilang dapat tuklasin ng House committee on dangerous drugs ang katotohanan sa likod ng mga impormasyong isiniwalat ng 17 nadakip sa nasabing operasyon, kung saan diumano 33 ang hindi nakasuhan – kabilang si Tupas na ayon sa mga saksi ay sadyang pinalusot ng mga operatiba matapos magpakilalang tauhan ni Duterte-Carpio.

Sa isang pahayag, inamin ni Tupas na siya’y nasa nasabing beach party isang oras bago maganap ang pagsalakay ng mga operatiba.

Taliwas naman sa nasabing pahayag ng dating information officer ni Duterte-Carpio ang giit ng iba pang arestadong nagsabing naroon mismo si Tupas nang pasukin ng mga PDEA agent ang beach resort. Nakuhanan din umano ng droga si Tupas, bagay na hindi pa kinukumpirma o itinatanggi ni Tupas na agad sinibak ni Duterte-Carpio.

Nasa P1.5-milyong halaga ng droga ang narekober ng mga operatiba sa nasabing operasyong ikinasa laban sa mga high-value target ng PDEA.

“The suspects arrested during the said drug raid, however, claimed in an interview with online media outlet, Newsline Philippines, that the law enforcers made a cover-up by allowing Jefry Tupas and other partygoers to leave the resort during the raid. The suspects claim that there are at least 50 partygoers when the authorities staged the raid,” saad ng resolusyong inihain sa Kamara. (BERNARD TAGUINOD)

173

Related posts

Leave a Comment