Pinaglibingan sa missing sabungeros ‘GROUND ZERO’ SA TAAL LAKE TUKOY NA – DOJ

(JULIET PACOT)

TUKOY na ng mga awtoridad ang isang fishpond sa Taal Lake bilang “ground zero” sa paghahanap sa mga nawawalang sabungeros.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa partikular na lugar na ito, sa kabila ng lawak ng lawa na umaabot sa 200 kilometro kwadrado.

“Merong fishpond lease yung isang suspect na tinutukoy natin. Bale, ‘yun ang ating ground zero,” ani Remulla sa isang panayam.

Bagaman inamin niya ang posibilidad na may iba pang mga lugar, sinabi ni Remulla na maaasahan ang kasalukuyang impormasyon tungkol sa “ground zero.”

“It’s possible (other sites other than Taal Lake). Anything is possible. But we think that the clues that we got regarding the site may be accurate in many ways,” aniya.

Ayon kay Remulla, may listahan na sila ng mga fishpond sa lugar na nagsisilbing gabay sa kanilang operasyon. “We already know where and what to look for.”

Dawit Na Judge

Samantala, tiniyak ng DOJ na malapit nang matukoy ng Korte Suprema ang sinasabing hukom na dawit sa kaso ng missing sabungeros.

Kasunod ito ng pag-uusap nina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo para paimbestigahan ang tiwaling hukom ng hudikatura na tumatanggap ng pera mula kay Atong Ang.

Lumutang ang impormasyong posibleng maimpluwensyahan ang hudikatura ng mga sangkot sa kaso ng nawawalang sabungero.

Ayon kay Remulla, iniimbestigahan na ng Korte Suprema ang hukom na umano’y idinadawit sa kaso, lalo’t nakarating na aniya sa kanya ang impormasyon na may nag-aayos ng kaso ni Atong Ang.

Iniimbestigahan din ng Korte Suprema ang mga kilos na maaaring makasira sa integridad ng justice system.

Kinumpirma rin ni Remulla na bukod kay Alyas Totoy, may iba pang nais maging state witness, at inaasahang makakukuha sila ng mga bagong testigo ngayong linggo.

NBI Experts

Nangako si NBI Director Jimmy Santiago kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na gagamitin nila ang expertise o kakayahan ng kanilang mga tauhan sa iba’t ibang paraan at proseso kaugnay ng 34 missing sabungeros.

Sinabi ni Santiago na handa silang tumulong sabay bida na sapat ang kanilang kakayahan at mga kagamitan sa pagsasagawa ng forensic o pagsusuri sa mga bangkay.

Kung masisisid at matatagpuan anya ang mga buto o kalansay ay masusing susuriin o ipoproseso sa DNA testing.

Bukod diyan, maaari rin anyang tumulong ang NBI sa pagsasagawa ng lie detector test sa mga taong nagsasalita na ngayon, para matukoy at mapag-aralan ang kanilang kredibilidad.

Kaligtasan Ni ‘Totoy’

Pinuri ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang mabilis na aksyon ng Philippine National Police (PNP) at DO) sa pagkustodiya sa mga inuugnay na pulis sa “missing sabungeros”.

Ikinatuwa rin ni NAPOLCOM vice chairperson at executive officer Vincent Calinisan, ang pagsasailalim sa protective custody ng PNP kay Julie ‘Dondon’ Patidongan o alyas “Totoy”, ang whistleblower.

Sinabi ni Calinisan na mahahalagang impormasyon ang maibabahagi ni alyas Totoy kaya importante ang kanyang seguridad.

Malaki rin ang maitutulong niya sa paglutas sa matagal nang kaso ng “missing sabungeros”.

Aminado rin si Calinisan na marami pang kailangang gawin ang NAPOLCOM, PNP, at DOJ sa iba’t ibang aspeto ng imbestigasyon nang walang palakasan at pagbibigay lamang ng tunay na paglilingkod sa publiko.

(May dagdag na ulat si TOTO NABAJA)

34

Related posts

Leave a Comment