CAVITE – Sa edad na 18-anyos, kabilang na sa listahan ng High Value Individuals (HVIs) ang isang lalaki na nakumpiskahan ng P142,800 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation noong Huwebes ng gabi sa Brgy. Anabu 2C, Imus City.
Kinilala ang arestadong suspek na si Rainer Cabansag y Espinosa, alias “RJ,” residente ng Brgy. Anabu 2F, Imus, City.
Ayon sa ulat ni Police Corporal Marnol Cunanan ng Imus City Police, dakong alas-10:40 ng gabi, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Cavite Police Provincial Office (PPO), at Imus City Police sa Brgy. Anabu 2C, Imus City na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nakumpiska sa suspek ang tinatayang 21 gramo ng hinihinalang shabu na may market value na P142,800, at buy-bust money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(SIGFRED ADSUARA)
239