MARAMI-RAMI na ring naipasang batas ang Ika-18 Kongreso.
Kaya, hindi nakaiinis ang mga senador at kongresista kahit mayroong ilan sa kanila ang ikinabubuwisit ng mamamayang Filipino dahil sagad-saring taliwas sa interes at karaingan ng mamamayan ang kanilang isinusulong at ipinaglalaban sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Isa sa mga ipinasa ng Kongreso ay ang inamiyendahang Anti-Money Laundering Act (AMLA).
Ayon sa ilang senador, malakas at matapang ngayon ang AMLA.
Malalaman natin sa mga susunod na araw, linggo, buwan at taon kung totoo ito.
Ang layunin ng AMLA ay upang maparusahan ang mga taong sangkot sa paglalaba ng pera, o paglilinis ng perang galing sa ilegal at masamang negosyo at paraan.
Ang mga taong sangkot sa ilegal at masamang negosyo ay iyong pasok sa negosyo ng drug trafficking, smuggling, illegal gambling, human trafficking at iba pang ilegal na negosyo.
Lahat ng mga taong pasok sa negosyong ‘yan ay naglilinis ng limpak-limpak nilang kinita mula sa napakarumi at napakasamang negosyo.
Kaya, siguradong sadyang linalabag nila ang AMLA.
Ngunit, hindi lang ang mga taong ilegal ang negosyo ang lumalabag sa AMLA, kundi maging ang mga negosyanteng lehitimo at ligal ang negosyo.
Pokaragat na ‘yan!
Kaya ko nasabing linabag nila ang AMLA ay dahil nilalabhan din nila ang kinita nilang pera na sinadya nilang hindi ideklara sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Hindi porke, legal ang negosyo ay literal na legal na kumikita ang negosyo.
Hindi porke legal ang negosyo ay literal na hindi nandadaya sa BIR, hindi dinudugasan ang pamahalaan.
Kasama rin ang mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, kabilang iyong mga nakapuwesto sa iba’t ibang yunit sa mga pamahalaang lokal, ang maaaring sampahan ng kaso dahil sa paglabag sa AMLA.
Kahit ang mga senador at kongresista kung saan dumaan ang pagpapalakas at pagpapatapang ng AMLA ay hindi dapat exempted sa batas na ito.
Kung kumita at nagpayaman ang mga opisyal ng pamahalaan at ang mga miyembro ng Kongreso habang nasa puwesto ay nararapat lamang silang habulin, kasuhan, ikulong at parusahan sa krimeng nagawa nila dahil sa paglabag sa AMLA.
Pokaragat na ‘yan!
Dito sa ating bansa ay napakaraming taong ubod nang yayaman dahil sa ilegal nilang negosyo tulad ng drug trafficking, illegal gambling, smuggling at iba pa.
Ngunit, bihirang maibalita sa media na hinabol, kinasuhan at ipinahuli sila sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP).
Ngayon, magkakasubukan tayo kung totoo ang ipinagyayabang ng ilang senador at kongresista na malakas at matapang na ang AMLA.
Abangan natin kung makakasuhan hanggang tuluyang ‘manirahan’ sa New Bilibid Prison (NBP) ang mga kilalang drug lord mula sa Leyte at Cebu.
Sabi ng pinuno ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na si Wilkins Villanueva, napakarami pang drug syndicate dito sa ating bansa.
Idiniin ni Villanueva na magandang napalakas at napatapang na ang AMLA dahil siguradong magagamit ito laban sa mga pinuno at miyembro ng mga drug syndicate.
Pokaragat na ‘yan!
Abangan natin kung totoo ang inihayag niya.
Malalaman din natin kung gagalawin ngayon ang mga gambling lord sa Ilocos Sur, Pangasinan, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, National Capital Region at iba pa na napakatagal nang namamayagpag.
Tingnan din natin kung tuluyang masusukol at ibabayahe sa NBP ang mga matitikas pagdating sa katiwalian, korapsyon at pandarambong sa maraming kagawaran at ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), BIR, Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Bureau of Immigration (BI), Bureau of
Customs (BOC) at napakarami pang iba.
Pokaragat kayo!
Siyempre, mahirap na trabaho ito dahil nagpakadalubhasa ang mga nabanggit kong nabubuhay at nagpasasa sa maruming pera.
Lahat ng paraan ay matagal na nilang ginagawa upang hindi sila natukoy, matumbok, masukol at mapatunayang nakagawa ng krimen.
Kaya nga, obligadong paghusayan din ng mga opisyal ng pamahalaan na aatasang habulin at kasuhan ang “money launderers”.
Kung gugustuhin, kung paghuhusayin at kung gagawin ang lahat ng diskarte ay pihadong makapagpakulong ng money launderer at tax evader.
Pero, kung hindi kikilos at matatakot sa kanila, tiyak na patuloy silang mananalo, mamamayagpag at magpapasasa sa napakaraming pera.
Tiyak, walang saysay ang AMLA at iba pang mga batas na kanilang linabag.
Kung ganyan din lang ang mangyayari ay nasayang lang ang pinaghihirapan ng mga senador at kongresista na magpalakas at magpatapang ng mga umiiral na batas laban sa mga masasamang nilalang.
Nasayan lang ang ipinasahod at ibinigay na mga benepisyo sa mga senador at kongresista.
Kung nasasayang ang pera ng pamahalaan na galing sa buwis ng mamamayan, ano pa ang saysay ng pagkakaroon natin ng Kongreso?
Kaya, nararapat lamang na ipatupad ang AMLA laban sa lahat ng mga taong sangkot sa paglalalaba at paglilinis ng maruming pera.
195 