BUMAGSAK na sa 30% ang tiwala ng mga Filipino sa bakuna simula noong 2018 kumpara sa mataas na 93% noong 2015, dahilan upang ang Pilipinas ang siyang nangunguna ngayong anti-vaccine country sa buong mundo.
Ang kawalan ng tiwala sa bakuna ay naging dahilan din upang magbalikan ang mga sakit na dati nang nalunasan at pagkalat ng iba pang karamdaman.
Ito ang inihayag ni Dr. Lulu Bravo, Executive Director ng Philippine Foundation for Vaccination, na nagsabing nakalulungkot na ang Pilipinas ay nangunguna ng anti-vaccine country sa buong mundo.
Ayon pa kay Dr. Bravo, bagamat agresibo ang ginagawang pagsusulong ng health experts para maibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa bakuna, hindi umano ito dapat iasa sa mga health practitioner lamang kundi dapat na pagsikapan ding gawin ng bawat mamamayan, unang-una na ang mga magulang at malaking tulong din ang media.
“Sa nagdaang taon, napakarami nating outbreak. Noong 2018, nagsimula nang mawala ang vaccine confidence sa Pilipinas. Ngayon, number one na tayong anti-vaccine country sa buong mundo. At nakalulungkot dahil ang vaccine confidence na 93% noong 2015 ay bumagsak sa 30% nitong 2018,” dagdag pa niya.
Ayon naman kay Atty. Tom Syquia, dating Executive Director ng Procurement Service- Philippine Government Electronic Procurement System (PS-PhilGEPS), upang maiwasan ang panibagong vaccine scare, kailangang ingatang mabuti ang proseso ng procurement, pangunahin dito ang kahalagahan ng pagsasagawa ng competitive bidding sa mga bibilhing vaccine ng Department of Health.
Ayon pa kay Syquia, pinakamabuti pa rin ang pagkakaroon ng public bidding lalo na at sa pamamagitan nito ay makapamimili ng magandang presyo ang gobyerno at magkakaroon din ng transparency sa proseso.
“Ang public bidding ay pinakamainam na proseso sa procurement dahil anomang uri ng kumpetisyon ay makapagbibigay ng pinakamagandang presyo bukod sa nagiging transparent ang buong proseso,” ani Syquia.
Dumako rin ang usapan sa nakabimbing procurement ng child pneumonia vaccines kung saan P4.9 bilyon ang nakalaan para sa Pneumococcal Conjugate Vaccines (PCVs). Ito ay bakuna kontra sa aInvasive Pneumococcal Diseases (IPDs), ang pinakamatinding sanhi ng kamatayan ng mga batang Pilipino na edad 5-anyos pababa. Ang nasabing budget ay higit na malaki kaysa sa inilaang budget noon para sa anti-dengue vaccine.
Sa kasalukuyan, dalawang bakuna ang pinag-aaralan ng pamahalaan, ang PCV 10 at PCV 13, na ayon sa global vaccine experts ay magkatulad ng bisa.
Noong Pebrero 2019, iginiit ng World Health Organization (WHO) ang nauna nilang posisyon na magkatulad ang bisa ng dalawang bakuna at wala umanong sapat na ebidensiyang magpapatunay na mas mahusay ang isang bakuna laban sa isa pa pagdating sa overall disease burden.
“Sinabi na ng WHO na walang ipinagkaiba ang dalawang bakuna. Marami sa mga developing countries ay PCV 10 na ang ginagamit,” dagdag pa ni Dr. Bravo.
Ang Pan-American Health Organization (PAHO) ay nagsabi rin na batay sa kanilang pag-aaral, walang “superiority” sa pagitan ng PCV 10 at PCV 13 at magkatulad lamang ng epekto. Sa PCV product assessment naman ng International Vaccine Access Center (IVAC), sinabi nilang wala ring ebidensiyang magpapakitang may karagdagang benepisyo ang alinman sa dalawang bakuna, kapag ikinumpara. TJ DELOS REYES
