PINAS, ‘SMART INVESTMENT DESTINATION’ – BSP

IBINIDA ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno ang Pilipinas bilang “smart investment destination” sa kabila ng tumataas na kaso ng coronavirus disease – 2019 (COVID – 19).

Tiniyak ni Diokno sa virtual 2nd Philippines-Singapore Business and Investment Summit nitong Biyernes na maganda pa ring mamuhunan sa Pilipinas dahil tiyak siyang maaabot ng bansa ang 6.5% hanggang 7.5% na positibong gross domestic product (GDP) ngayong 2021 dahil sa pagpapalit ng mga patakaran sa sistemang pananalapi na mayroong positibong tulong sa bagsak na ekonomiya ng bansa.

Iwinasiwas ni Diokno sa mga negosyante ng Singapore ang positibong kalagayan ng pamumuhunan sa Pilipinas, samantalang nitong Biyernes ay pumalo sa 9,838 karagdagang kaso ng COVID-19, dahilan upang umabot sa 702,856 ang kabuuang kumpirmadong kaso ng nasabing virus sa bansa.

Ang aktibo sa bilang na ‘yan ay 109,018, pahayag ng Department of Health (DOH).

Ang karagdagang bilang ng mga taong tinamaan ng COVID-19 ay siyang pinakamataas mula sa sunud-sunod na pagtaas ng mga kaso nitong mga nakalipas na araw na mahigit pitonglibo ang inaabot.

Ito ang pangunahing batayan kung bakit nagdesisyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) na ipasara ang maraming maliliit na mga kumpanya sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit na mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Bulacan.

Ito rin ang batayan kung bakit sinabi sa media na mahigpit nang kumikilos ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) upang ipatupad sa mamamayan ang mga protocol laban sa COVID-19.

Nitong 2020, negatibong 9.8% ang GDP ng bansa, pinakamababa mula 1946.

Idiniin ni Diokno sa nasabing pulong na isa sa mga ginawa ng BSP ay ang pagbabawas ng 200 batayang puntos sa “key policy rates” ng BSP para sa “bank reserve ratio”.

Dahil sa ginawang hakbang ng BSP, hinihikayat ni Diokno ang mga negosyante na mamuhunan sa bansa. Malaking tulong ito sa pagkamit ng 6.5% GDP ngayong taon.

Ngunit, inamin ni Diokno na ang pagluluwag ng BSP ay pagpabor sa giit ng mga organisasyong nagmamatyag sa mga utang ng mga bansa.

Ang tinatawag na “debt watchers” ay malaki ang ‘impluwensiya’ sa mga pampinansiyang organisasyon na nagpapautang sa mga bansa.

Naniniwala silang dapat matatag ang ekonomiya ng isang bansa at mayroon itong kapasidad na magbayad upang pautangin ito ng mga institusyong tulad ng World Bank (WB), International Monetary Fund (IMF) at Asian Development Bank (ADB). (NELSON S. BADILLA)

155

Related posts

Leave a Comment