PINAY SA RIYADH PINAKULONG DAHIL SA PAGKUHA NG LITRATO

AKO OFW Ni DR.CHIE LEAGUE UMANDAP

DAHIL sa bagong teknolohiya kung saan ay hindi na kinakailangan bumili ng film at magpa-develop ng kuhang litrato, ay tila kaliwa at kanan lamang ang pagkuha ng larawan. Ganito ang nagiging gawi ng mga OFW kapag nasa ibang bansa para maipakita sa mga ka­mag-anak ang kanilang kinalalagyan.

Subalit mukhang hindi ­inaalintana ng ilang mga OFW na may mga lugar, bagay at sitwasyon na hindi ­maaaring basta na lamang kuhanan ng litrato kung walang ­pahintulot. Kabilang na rito ang pagkuha ng litrato ng loob at labas ng ­tahanan ng employer ­lalong-lalo na ang kuhanan ng larawan ang mga amo o mga alagang bata na walang ­pahintulot.

Sa kulungan ngayon ­nasadlak ang isang kabayani na itago na lamang natin sa pangalan na Andrea. Ayon sa kapatid ni Andrea na si Reynan ay nagsumbong si Andrea na masama na palagi ang ­kanyang pakiramdam. Katunayan ay nagpadala pa ito ng kanyang kuha na video na kung saan ay sumusuka siya ng dugo.

Nakarating ang kanyang sumbong sa kanyang amo kaya siya ay dinala sa ospital para ipa-eksamin, matapos nito ay niresetahan lamang siya ng gamot at pinauwi sa kanyang amo.

Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay nadiskubre ng kanyang amo na ang cellular phone ni Andrea ay naglalaman ng mga larawan ng kanyang among babae na sikreto nitong kinukunan.

Dahil dito ay nagalit ang kanyang amo at sa galit nito ay hinalungkat ang maleta ni Andrea na kung saan ay nasa loob diumano ang ilang gamit at damit ng kanyang among babae.

Agad na tumawag ng pulis ang kanyang employer at siya ay ipinadampot at ipinakulong. Abot-abot ang pakiusap ni Andrea at kanyang pamilya na siya ay matulungan ng AKOOFW kung kaya agad tayong dumulog kay OWWA Director Atty. Sherilyn Malonzo.

Mabilis naman nakipag-ugnayan si Director Malonzo sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh na siya namang nakipag-usap sa ahensya ni Andrea sa Riyadh. Nangako naman ang POLO na susubaybayan nila ang kasong ito ni Andrea at susubukin din nilang pakiusapan ang employer nito na kung maaari ay patawarin na lamang si Andrea at pauwiin sa Pilipinas.

Ang kasong ito ay hindi masasabing unique o hindi pangkaraniwan, dahil marami na ring mga OFW ang dumulog sa AKOOFW na may kaparehas na kaso, kung kaya muli tayong nagbibigay-paalala sa lahat ng mga OFW saan mang sulok ng mundo na sundin ang batas na ipinatutupad sa ibang bansa lalo na ang pagsiguro sa “privacy” ng kanilang ­employer o kumpanya na kanilang pinag-lilingkuran.

Ang AKOOFW ay patuloy na makikipag-ugnayan sa OWWA at sa POLO sa Riyadh upang masubaybayan ang kaso ni Andrea at masigurong makauuwi ito sa lalong ma­daling panahon.

***

Mamayang alas-6:00 ng gabi ay ating makakapanayam si POEA Administrator Bernard Olalia upang mabigyan ng linaw ang usapin sa pagtatali ng OEC sa PhilHealth, ­Pag-IBIG at Mandatory Insurance. ­Samahan n’yo po kami sa ating programang BANTAY OFW sa DWDD 1134 KHz AM sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Radio.

288

Related posts

Leave a Comment