(BERNARD TAGUINOD)
MISTULANG nabudol ang mga Pilipino sa tourism campaign ng Department of Tourism (DOT) na ginastusan ng halos 50 milyong piso.
Ganito inilarawan ni House deputy minority leader France Castro ang kontrobersyal na tourism campaign ng DOT mula sa slogan hanggang sa promotional video.
“Hindi pwede ang ganyan na nambubudol ng mamamayan, dapat maging ang DOT ay maimbestigahan dahil nasasayang ang pera ng taumbayan dito at nakakahiya pa sa international community,” ani Castro.
Sinabi ng mambabatas, na mistulang nagsayang lang ng pera ang DOT dahil ang ginamit na materyal sa promotional video ay kinopya sa Cyprus at Thailand lamang.
Hindi aniya ito makatarungan, hindi lamang sa mga Pilipino na pinanggalingan ng P50 million na ginastos kundi sa mga dayuhang bisita dahil ang ipino-promote ng ahensya ay wala sa Pilipinas.
“It is unacceptable for the Marcos government to resort to plagiarizing campaign slogans from other countries. We should be showcasing the unique culture, heritage, and natural wonders that make the Philippines truly remarkable,” ayon pa sa mambabatas.
Gayunpaman, imbes na gawin aniya ito ng DOT ay gumamit ang mga ito ng stock footage ng isang video creation platform.
Dahil dito, nais ng mambabatas na imbestigahan hindi lang ang DOT kundi ang kontraktor na ginamit ng mga ito na mistulang binudol ang sambayanang Pilipino at maging ang mga dayuhang turista.
Nangangamba si Castro na tuluyang masira ang kredibilidad at integridad ng tourism industry dahil sa ganitong gawain ng ahensya kaya kailangang may managot aniya sa pambubudol na ito.
“We deserve better. Our tourism industry deserves better. Let us uphold our commitment to honesty and authenticity in promoting our beloved nation,” giit ng mambabatas.
Lugi gobyerno
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang isang senador sa nasabing usapin dahil parang nalugi aniya ang gobyerno.
Ayon kay Senator Sonny Angara, mistulang nalugi ang pamahalaan sa campaign video na ito lalo’t naunang iniulat na aabot sa P49 million ang ginastos ng DOT para sa bagong tourism slogan na “Love the Philippines”.
Pinayuhan ng senador ang ahensya na ang pinakamainam na gawin ay gumawa na lamang ulit ng bagong campaign video.
Samantala, humingi na ng paumanhin ang DDB Philippines kaugnay sa paggamit ng foreign stock footage.
Inamin ng DDB Philippines na ang paggamit ng foreign stock footage ay hindi naaangkop sa layunin ng DOT na i-promote ang bansa.
Handa umanong humarap sa responsibilidad ang nasabing ad company at nilinaw na walang government funds na ginamit hinggil dito.
Sa ngayon ay inalis na sa mga social media platform ang kontrobersyal na promotional video.
Trabahong tamad
Tinawag naman ng isa pang mambabatas na ‘trabahong tamad’ ang ginawang promotional video ng DOT.
Kasabay nito, hinamon ni Albay Rep. Joey Salceda ang DOT na humingi ng paumanhin sa Albay o kaya sibakin ang kanilang consultant na gumawa ng promotional video.
“Clearly, the exclusion of Mayon and other tourist attractions intrinsic to the Philippine brand was just a symptom of “trabahong tamad” that is now evident to everyone,” ani Salceda.
Unang pinalagan ni Salceda ang logo ng DOT dahil hindi isinali ang Mayon Volcano gayung malaki ang naitutulong nito para sa turismo ng kanilang lalawigan.
Hindi humingi ng apology ang DOT dahil ang unang inilabas na video ay isa lang umano sa mga installment video at bahagi ng tinatawag na ‘mood video”.
“The first video was supposedly a “mood video,” according to the contractor. For something as critical as an entire country’s image, you don’t “set the mood” with plagiarism,” diin pa ng mambabatas.
Hindi umano dapat ipaubaya kung kani-kanino lamang ang paggawa ng slogan at video dahil nakasalalay dito ang turismo ng Pilipinas lalo na’t kumpara sa ibang bansa ay kokonti ang mga dayuhang turista na dumarating dito.
Kung nais aniya ng DOT na maparami ang turista ay dapat konsultahin ang mga eksperto.
“But the way the slogan was launched by this contractor — my goodness,” pahayag pa ng mambabatas na mistulang nainsulto matapos tawaging “political soundbites” ang kanyang reklamo nang hindi isama sa slogan ang larawan ng Mayon Volcano.
