PINOY SUBOK NA MATIBAY AT MATATAG

IMBESTIGAHAN NATIN Ni JOEL O. AMONGO
SA kabila ng kaliwa’t kanang pagtaas ng presyo ng mga bilihin nitong nakalipas na mga buwan at hanggang sa kasalukuyan, ay naidaos pa rin ng mga Pilipino ang pinakamaha­lagang okasyon, ang Dis­yembre 25, 2023 o Pasko ng kapanganakan ng ating Panginoong Hesus.
Kahit na mataas ang pre­syo ng bigas, karne, gulay, isda, sangkap sa pagluluto at iba pang pangangailangan ng isang pamilya, ay naidaos pa rin nating mga Pilipino ang Pasko nang masaya.
Napansin natin na bagama’t naipagdiwang ng mga Pilipino ang katatapos na Disyembre 25, ay nakita natin kung paano nagtipid sa gastusin ang mga ina ng ating tahanan.
Buti na lang, ang mga Pilipino ay magaling dumiskarte na kahit na kapus sa buhay ay nakadidiskarte pa rin para magkaroon ng pagsasaluhan ang kanyang pamilya pagda­ting sa mahahalagang okasyon tulad ng Pasko, pagsalubong sa Bagong Taon, at iba pa.
Kahit na sobrang mahal ng pangunahing mga bilihin ay nagagawan pa rin ng paraan ng mga Pilipino na magkaroon ng pagsasaluhan sa hapag-kainan sa araw ng Pasko.
At kahit na mahal ang pre­syo ng mga bilihin ay tila hindi ito pinapansin ng mga Pilipino.
Hindi nawawala ang kaugalian nating mga Pilipino na mag-enjoy sa araw ng Pasko.
Hindi alintana nating mga Pinoy na kahit hirap na tayo sa buhay, basta’t sasapit ang Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon, basta’t buo ang ating pamilya ay masaya na tayo.
‘Yan naman ang magandang kaugalian ng mga Pilipino na hindi madaling sumuko na kahit hirap tayo sa buhay ay pilit pa rin tayong bumabangon.
Hindi katulad ng ibang lahi na kapag nakaramdam ng kahirapan ay kinikitil ang kanilang sariling buhay.
Sa tuwing nagpapalit ng taon, tulad nitong papasok na 2024, ay laging malaki ang pag-asa ng mga Pinoy na makakaahon tayo at nalagpasan natin ang mga pagsubok sa nakaraang taon.
Dahil sanay tayo sa hirap, kuntento na tayo kung anong mayroon tayo sa panahon na may okasyon.
Ito ngang nakalipas na pandemya sa COVID-19 na halos lahat ng mga Pilipino ay natigil sa kani-kanilang trabaho, ay nalagpasan din natin.
Ngayon kahit paano ay unti-unti nang umaangat ang ating ekonomiya matapos na humina dahil sa epekto ng COVID-19, kaya masaya na tayong mga Pilipino.
Sana nga sa pagpasok ng 2024 ay bumuti na ang kalagayan ng ating bansa nang makaranas naman ng kaginhawaan ang lahi ni Juan dela Cruz.
Trabaho lang nang trabaho at maging tapat sa pinaglilingkuran, darating din ang panahon na aasenso tayo. Happy New Year po sa ating lahat!
oOo
Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text cell# 0977-751-1840.
407

Related posts

Leave a Comment