Pinsala sa pananim nasa P2.74-B NASAWI SA BAGYONG PAENG SUMAMPA SA 150

(JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)

PUMALO na sa nakagigimbal na 150 katao ang bilang ng mga nasawi bunsod ng bagsik ng bagyong Paeng, ayon mismo sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa nasabing bilang, 94 ang kumpirmado habang patuloy naman ang beripikasyon sa nalalabing 56 kataong iniulat ng mga local disaster councils mula sa mga lalawigang binayo ng nabanggit na sama ng panahon.

Pinakamataas ang bilang ng mga nasawi mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kung saan nasa 63 katao ang nasawi. Pumangalawa ang Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) na may 33 casualties, habang 29 naman ang binawian ng buhay sa Western Visayas.

Sa ulat ng NDRRMC, umabot sa 126 ang bilang ng mga nasaktan habang patuloy naman ang paghahanap sa 36 na iba pa.

Anila, 3,963,555 na indibidwal (katumbas ng 1,131,409 pamilya) ang apektado ng Bagyong Paeng. Nasa 12,968 tirahan na bahagyang napinsala habang 2,194 ang tuluyang winasak ng bagyong halos naramdaman sa buong kapuluan.

Samantala, umakyat na sa P2.74 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa agrikultura dahil kay Bagyong Paeng (international name: Nalgae).

Sinabi ng Department of Agriculture (DA), nakasaad sa data na ipinalabas ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Center ng departamento na P2.74 bilyong piso “as of 5 p.m.” nitong Miyerkoles, Nobyembre 2 ay tumaas mula sa P1.33 bilyong piso na iniulat noong Lunes ng hapon.

Sakop ng latest bulletin ang 82,830 ektarya ng agricultural areas sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western at Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Central Mindanao, at Soccsksargen.

Ang pinsala naman sa agricultural infrastructures ay umabot na sa P133 milyon, sakop ang iba’t ibang laboratoryo at crop protection centers, irrigation systems, water impounding projects, at diversion dams.

244

Related posts

Leave a Comment