IGINIIT ng mga grupo ng transportasyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aprubahan ang karagdagang ₱1 provisional na dagdag sa pamasahe para sa unang apat na kilometro ng biyahe sa mga pampasaherong jeep. Layunin ng panawagang ito na maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, piyesa, at iba pang gastusin sa maintenance.
Ayon kay Ramon Guevarra, Pangulo ng Jaen Nueva Ecija Transport Corporation, kinakailangan na ang dagdag-pamasahe dahil sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga piyesa, baterya, gulong, at iba pang kagamitan para mapanatiling ligtas at maayos ang mga jeep sa kalsada.
Sinang-ayunan naman ni Melencio “Boy” Vargas, Pangulo ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), ang naturang panawagan. Ang ALTODAP ay isa sa mga grupong naghain ng petisyon sa LTFRB noong Agosto upang gawing permanente ang ₱1 provisional increase na inaprubahan noong Oktubre 2023, at idagdag pa ang isa pang provisional hike upang maibsan ang pagkalugi ng mga operator at tsuper.
Sa kasalukuyan, ₱13 ang minimum na pamasahe sa tradisyunal na jeep at ₱15 sa modernong jeep para sa unang apat na kilometro. Kapag inaprubahan ng LTFRB ang karagdagang ₱1 provisional increase, magiging ₱14 na ang pamasahe sa tradisyunal na jeep at ₱16 naman sa modernong unit.
Binigyang-diin nina Guevarra at Vargas na higit na kailangan ngayon ang dagdag-pamasahe dahil sa implasyon at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Anila, mahalaga ang tulong ng pamahalaan sa pamamagitan ng dagdag-pamasahe upang matulungan ang mga tsuper at operator na makabawi sa taas-gastos sa operasyon.
(PAOLO SANTOS)
