PISTA NG NAZARENO NAGING MAPAYAPA

DAHIL sa mahigpit na ipinatupad na health protocol bunsod ng pandemya, naging mapayapa sa pangkalahatan ang padiriwang ng Kapistahan ng Poon ng Itim na Nazareno sa Quiapo nitong Sabado.

Ito ang inihayag ni Manila Police District Director, P/ Brigadier General Leo Francisco at idinagdag na naging mahigpit ang pag-monitor ng mga awtoridad sa sitwasyon sa bisinidad ng Quiapo.

Nabatid sa ulat ng MPD, huling naitaya dakong alas-2:00 ng hapon sa 10,690 ang bilang ng mga deboto sa Quiapo Church at 350 sa Sta. Cruz Church.

Nabatid na isang lalaki ang iniulat na hinimatay habang nagdarasal habang isang babae naman ang napilayan nang matumba at maitukod ang kanyang braso habang namimigay ng bottled water.

Habang sa pagtaya naman ng isang TV network, umabot sa 400,000 katao ang pumunta para magsimba sa Quiapo hanggang alas-12:00 ng tanghali.

Naging maayos naman ang pagpapatupad ng social distancing sa loob at labas ng Simbahan ng mga Hijos na siyang nangasiwa sa pagpapatupad ng health protocols.

Naging mahigpit din sa pagbabantay ang mga pulis na nasa control point kung saan hindi pinayagang makapasok ang mga menor de edad at mga senior citizen na edad 65 pataas.

Nabatid na maraming mga sasakyan naman ang na-tow ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) dahil sa mga ‘di awtorisadong pagpa-parking.

Ang mga sasakyan na karamihan ay motorsiklo ay pagmumultahin ng P1,500 impounding fee.

Nabatid na pansamantalang tinanggal ng signal ng telecommunications giant PLDT bilang pagsunod sa kautusan ng National Telecommunications Commission (NTC) at ang prepaid Wi-Fi services sa ilang lugar sa lungsod na sumasakop sa ruta ng Itim na Poong Nazareno para sa seguridad ng mga deboto.

Habang sa isinusulat ang balitang ito, walang naiulat na ‘di magandang pangyayari sa Kapistahan ng Itim na Nazareno. (RENE CRISOSTOMO)

150

Related posts

Leave a Comment