PISTANG LUPI AT TURUMBA 2026 SA PAKIL, LAGUNA

ANG pangalawang imahe ng Birheng Maria bilang Nuestra Señora de los Dolores ay isang replika ng imahe ng Nuestra Señora de la Antigua, Siete Dolores y Compasión na nagmula sa Spain.

NGAYONG taon ay ginugunita ang ika-350 anibersaryo ng pagkakatatag ng Pakil bilang isang malayang bayan noong 1676 — siya ring taon na naitatag ang Parokya ni San Pedro de Alcantara, sa pangunguna ni Fr. Francisco de Barajas bilang unang kura paroko.

Ang unang simbahan na yari sa kawayan at nipa ay pinalitan ng batong gusali na sinimulan noong 1732 at natapos noong 1767, tanda ng paglago ng pananampalataya ng mamamayan.

Noong Setyembre 15, 1788, natanggap ng Pakil ang dakilang biyaya nang matagpuan ang larawan ng Nuestra Señora de los Dolores de Turumba na lumulutang malapit sa pampang ng Laguna de Bay. Natagpuan ito ng mga mangingisda sa kanilang lambat at iniwan sa isang bato. Sinubukan itong buhatin ng ilang kababaihan ngunit hindi nila ito maigalaw.

Nang dumating ang pari at mga mananampalataya, ang banal na larawan ay naiangat at dinala sa simbahan sa saliw ng awitan at sayawan.

Mula nang maitanghal ang Birhen ng Turumba, lalong umigting ang debosyon, at nakilala ang Pakil bilang Pilgrimage Capital ng Laguna. Ang Pistang Lupi, na ginaganap mula Marso hanggang Setyembre, ay kinikilalang pinakamahabang pagdiriwang panrelihiyon sa Pilipinas.

Patuloy na dumarami ang mga deboto na nananalangin para sa awa, kagalingan, himala, at mas malalim na pananampalataya. Dahil sa maraming biyayang iniuugnay sa kanyang pamamagitan, idineklara ang simbahan ng Pakil bilang Dambana ng Birhen ng Turumba.

Pitong Lupi

Ang Pitong Lupi ay pitong magkakahiwalay na pagdiriwang na ginaganap mula Abril hanggang Mayo bilang paggunita sa Pitong Hapis ng Mahal na Birheng Maria:

• Hula ni Simeon (Lukas 2:34-35)
• Pagtakas patungong Ehipto (Mateo 2:13-15)
• Pagkawala kay Hesus sa Templo (Lukas 2:41-50)
• Pagtatagpo ni Maria at Hesus sa daan patungong Kalbaryo (Lukas 23:27-31)
• Pagpapako sa Krus (Juan 19:25-30)
• Pagtanggap ni Maria sa katawan ni Hesus (Juan 19:31-37)
• Paglilibing kay Hesus (Juan 19:38-42)

Ang mga pagdadalamhating ito ay sumasalamin sa malalim na pagdurusa at malasakit ni Maria bilang Ina ni Hesus.

Ang salitang lupi ay nangangahulugang “tiklop.” Sa pagtatapos ng bawat pagdiriwang, itinitiklop ng mga deboto ang kanilang nobena bilang tanda ng paghihintay sa susunod na pagdiriwang.

Matapos ang prusisyon ng imahe ng Birhen sa bayan, isinasagawa ang isang natatanging tradisyon: ang lumang kasuotan ng Birhen ay pinipira-piraso at ibinibigay sa mga peregrino bilang banal na alaala na pinaniniwalaang nagbibigay ng proteksyon at kagalingan.

Bago ang bawat kasunod na Pistang Lupi, may ilang may-kayang deboto na gumagastos para sa pagbili ng tela at pagpapatahi ng bagong kasuotan ng Birhen ng Turumba.

Habang ipinagdiriwang ng Pakil ang ika-350 anibersaryo ng parokya at ang ika-20 taon bilang dambana, inaanyayahan ang lahat na maranasan ang pag-ibig ng Diyos at makiisa sa pagdiriwang ng Lupi at Turumba.

Halina at magsaya — umawit, sumayaw ng Turumba, at damayan ang ating Inang Nagdurusa.
Turumba sa Birhen!

4

Related posts

Leave a Comment