PLAKA-PLAKDA

SUMAMBULAT ang galit ng mga ­motorista bunsod ng panawagan ng Land Transportation Office (LTO) sa Kongreso. Ayon sa ahensyang mandato’y tiyaking nasa ayos ang transportasyon, kailangan nila ng P6 bilyon para maayos ang tinatawag na “backlog” ng paggawa ng mga plaka.

Ang totoo, angkop lang namang ibigay na sa mga motorista ang pinagbayarang plakang kalakip ng kanilang nakarehistrong sasakyan. Pero teka, hindi nga ba’t may ­nilagdaang kontrata ang Department of Transportation taong 2014 sa Power Plates Development Concepts Inc.- J. Knieriem BV-Goes (PPI-JKG).

Ang siste, bigo ang naturang kumpanya na tumupad sa kasunduan. Higit pa sa kasunduan, hindi rin pinahintulutan ng Commission on Audit (COA) ang mekanismong puno’t dulo ng problema.

Ang ­masaklap, sa halip na panagutin ang bulilyasong ­kontratista, deadma lang ang kagawarang piniling kumuha ng bumalangkas at lumagda ng mga panibagong kontrata sa iba’t ibang kompanyang wala rin namang nagawa.

Bakit nga ba kailangan pa kasing kumuha ng mga kontratista gayong mas mura naman sa katagalan kung ang gobyerno mismo ang gagawa ng plaka?

Dangan naman kasi, diskarte ‘yan ng mga tiwali.

Sa isang banda, higit na angkop na ibigay ng Kongreso ang hiling na pondo ng LTO. Kung ang gobyerno mismo ang gagawa ng mga plaka gamit ang mga makabagong makinang ibinibida noon ni Transportation Secretary Arthur Tugade, mas malaki ang matitipid ng mga motoristang hindi kailangan magbayad ng mataas na presyong dikta ng kapitalista.

Bukod sa mas mura, matutumbasan na rin sa wakas – matapos ang limang taong paghihintay – ang salaping ibinayad ng mga motorista sa nasabing ahensyang tumigil sa paggawa ng plaka taong 2017.

Ayon mismo sa bagong pamunuan ng LTO, magagawa nilang punuan ang “backlogs” gamit ang kanilang mga dambuhalang makinaryang may kakayahang gumawa ng plaka ng mga sasakyan.

Gayunpaman, hindi dapat matapos sa paggagawad ng kailangang pondo sa LTO ang perwisyong dulot ng naantalang programa. Dapat siguro, panagutin ang mga kontratista at ang mga taong gobyernong sa kanila ay kumita.

201

Related posts

Leave a Comment