Planong muling pagbibigay ng prangkisa COVER UP SA ATRASO NG ABS-CBN

(BERNARD TAGUINOD)

MISMONG ang Kongreso na ang magko-cover up sa mga atraso ng ABS-CBN Corporation kapag binigyan ito ng panibagong prangkisa kahit hindi pa inaayos ng mga ito ang natuklasang paglabag nila sa Konstitusyon at maging sa kanilang dating franchise law.

Ito ang ibinabala ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta matapos simulan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang pagbibigay ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN.

Agad namang nagsabi si Deputy Speaker Vilma Santos-Recto na anomang araw ay muli nitong ihahain ang kanyang panukala na bigyan ng panibagong 25 year franchise ang nasabing broadcast network.

“Kailangan munang i-account ang mga violation na na-established namin dun sa pagdinig. Hindi naman basta-basta magkakalimutan na lang nang ganun. Nagbago ang Congress halimbawa, pagkatapos bagong taon na, bagong Speaker, hindi dapat ganun sapagkat nananatili ang mga paglabag na na-established namin,” ani Marcoleta.

Sinabi naman ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na hanggang ngayon ay hindi pa inaayos ng ABS-CBN ang mga paglabag nito sa Saligang Batas at Franchise law tulad ng hindi pagbabayad ng tamang buwis, paglabag sa labor law, foreign ownership, pagbebenta ng Philippine Depository Receipts (PDRs) sa mga dayuhan at maging ang kanilang kuwestiyonableng titulo at iba pa na naging dahilan kung bakit ibinasura ang kanilang franchise application noong Setyembre.

“Kailangan niyo ayusin ang mga paglabag. Kailan ninyo iko-comply ang lahat ng paglabag na nagawa niyo,” ani Marcoleta na sinegundahan naman ni Defensor bago ito bigyan ng panibagong prangkisa kahit nagpalit na ang mga ito ng ownership o leadership.

Kapag nagawa na umano ito ng ABS-CBN ay saka na ito mag-apply muli ng panibagong prangkisa subalit hangga’t hindi nila nagagawa ay wala silang karapatan na humingi ng lisensya sa pamamagitan ng kanilang mga kaalyado sa Kongreso.

“Ang daming paglabag, wala ka pang ginawa para ayusin ang mga paglabag na yun. Ayaw mo lang na harapin ang katotohanan na hanggang ngayon kuwestiyonable ang tittle mo pagkatapos haharap ka sa amin para sa panibagong prangkisa sa pamamagitan ng isa sa aming mga kasama sa House of Representatives,” ani Marcoleta.

“Palagay ko mahirap itong pasimulang ito kung halimbawa pipilitin nila ng ganun…ano ito magko-cover up tayo?” pahayag pa ng mambabatas.

Sinabi naman ni Defensor na walang silbi ang inihaing panukala ni Sotto dahil malinaw aniya sa Saligang Batas na lahat ng usapin sa prangkisa ay dapat magmula sa Kamara.

Magugunita na noong Setyembre ay tuluyang ibinasura ng House committee on legislative franchise ang aplikasyon ng ABS-CBN sa botong 70-11 dahil sa mga natuklasang paglabag ng kumpanya sa Saligang Batas at maging sa kanila mismong prangkisa.

116

Related posts

Leave a Comment