(NELSON S. BADILLA)
NITONG Marso 18, pinangunahan ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang pamamahagi ng titulo ng mga lupa at bahay sa 150 biktima ng superbagyong “Yolanda” noong 2013.
Ngunit, sa halip matuwa, kilalanin at pasalamatan ng mga manggagawa, binatikos si Go ng isa sa mga organisasyon ng mga obrero na Partido Manggagawa (PM) dahil kumbinsido itong wala sa hulog ang aksyon ng bagitong senador.
Ratsada ng tagapagsalita ng PM na si Wilson Fortaleza: “Halatang-halata na nangangampanya na [si Bong Go]. Puwede namang si Escalada na lang ang namahagi ng 150 titulo”.
Si Marcelino Escalada ay ang general manager ng National Housing Authority (NHA).
Kasama ni Go sa pamamahagi ng titulo sina Escalada at Tacloban City Mayor Alfred Romualdez.
Nabatid ng SAKSI Ngayon ang ginawa ni Go sa Leyte mula sa kanyang Facebook account.
Ang 150 residenteng nakatanggap ng mga titulo ng lupa at bahay ay bahagi ng libu-libong mamamayang hinagupit ang mga bahay noong umatake ang superbagyong Yolanda sa Leyte noong 2013.
Ayon kay Fortaleza, “malamang” na may kinalaman ang ginawa ni Go sa Leyte sa pinalulutang sa media na pagtakbo nito sa pagkapangulo sa eleksyong 2022 “dahil hindi naman reelectionist na senador” si Go sa nasabing taon.
Kumbinsido naman si Rodolfo “RJ” Javellana, pangulo ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) na ang sorpresang pagsipot ni Go sa Leyte para sa proyekto ng pamahalaan “ay pagsasamantala sa panahon ng kahinaan at kahirapan ng publiko! Pamumulitika pa panahon pa ng pandemya! Pahabol na tanong nga ng ilang mamamayan kay Senator Bong Go ay ano na po ang nangyari sa inyong pangakong balik probinsya na programa?”
Si Go ay tumakbo at nanalong senador noong halalang 2019 sa ilalim ng Partido Deokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Bagamat bagitong mambabatas, kasama na ang kanyang pangalan sa mga sarbey sa mga politikong posibleng tumakbo sa pagka-presidente sa 2022.
Sa nasabing mga naunang sarbey, magkasama sila ni Bise Presidente Maria Leonor Robredo sa dulo ng sarbey.
Nanguna lamang si Go sa sarbey ng Pulse Asia nitong Pebrero dahil ang tanong ay tungkol sa tambalang “Go-Duterte” kung saan si Go ang tatakbong pangulo at pangalawang pangulo si Pangulong Rodrigo Duterte.
Nang tanungin si Go sa tambalang Go at Duterte ay inamin ng bagitong senador na pabor siyang tumakbo sa pagkapangulo ng bansa.
Maliban sa mga titulo ng lupa, ayon sa Facebook ng senador, “nag-abot din ng tulong ang tanggapan nito sa 1,000 miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association at 650 na iba pang mga pamilyang nasalanta ng Bagyong Yolanda”.
“Ang bawat isa ay nakatanggap ng cash assistance, food packs, face shields, face masks, vitamins, at iba pa na makatutulong sa kanila habang nasa gitna pa tayo ng pandemya,” patuloy ng impormasyon sa Fb account ni Go.
Naniniwala sina Fortaleza at Javellana na masama ang layunin ni Go sa pagsulpot sa Leyte.
Idiniin ni Javellana na “ang ilang tanong na sumulpot sa okasyong ito, nakapagtataka bakit si Senator Bong Go ang nag-anunsyo at nangunang mamahagi ng titulo ng NHA? Ano ang gustong palabasin ng mga taga-NHA, ‘di po ba dapat ay nuon pa tinapos ng NHA ang pamamahagi nito at malinaw ang kanilang pagkukulang? Dapat bang hintayin pa ng NHA na si Senator Bong Go ang mamahagi? Lahat ba ng biktima ng Yolanda ay nabigyan na o iilan lamang?”
