MAS mapapabilis na ang pagkuha ng serbisyong medikal ng mga pulis at kanilang pamilya matapos pormal na lagdaan ng Philippine National Police at Cardinal Santos Medical Center ang isang Memorandum of Agreement (MOA).
Ayon kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr., layunin ng kasunduan na matiyak ang mas mabilis na access ng mga tauhan ng PNP at kanilang dependents sa dekalidad na serbisyong medikal.
Aniya, malaking tulong din ito sa morale ng mga pulis na madalas humaharap sa mapanganib na sitwasyon habang ginagampanan ang tungkulin sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Nilagdaan ang kasunduan nina Bernard Banac at Portia Manalad para sa PNP, habang kumatawan naman sa ospital sina Raul Pagdanganan at Antonio Say.
Sa ilalim ng kasunduan, magkakaroon ng diskwento sa diagnostic at treatment services ang mga pulis, retirado, at kanilang kwalipikadong dependents.
Mayroon ding credit line na aabot sa P1 milyon para sa mga pulis na nasugatan sa operasyon at para sa reimbursement claims ng kanilang benepisyo.
(TOTO NABAJA)
141 