INIHAYAG ni Philippine National Police (PNP) chief Lieutenant General Rommel Francisco Marbil na bumuo na siya ng dalawang bagong komite na tututok sa lumalang problema ng kidnapping at lalabanan ang patuloy na paglaganap ng fake news sa bansa.
Pangungunahan ni PNP deputy chief for investigation Lt. Gen. Edgar Alan Okubo ang Joint Anti-Kidnapping Action Committee na siya tututok sa pagtukoy, pagsugpo at paglansag ng mga organisadong kidnap-for-hire operation sa bansa.
Sa kabilang dako, si PNP deputy chief for operations Lt. Gen. Robert Rodriguez naman ang mangunguna sa Joint Anti-Fake News Action Committee na ang trabaho ay labanan ang lumalalang problema sa paglaganap ng maling impormasyon at disimpormasyon sa publiko.
Layon ng dalawang komite na tugunan ang mga modernong banta mula sa mga kidnap-for-hire syndicate at magsagawa na rin ng anti-fake news campaign matapos na kumalat nitong nakaraang Linggo na mayroon pang apat na kilalang mga Filipino-Chinese businessman ang dinukot.
Paliwanag ni Marbil, hindi biro ang fake news, ito ay maaaring magdulot ng takot, kaguluhan at maling paniniwala na hindi papayagan ng pambansang pulisya.
(TOTO NABAJA)
