PNP dapat magpaliwanag – Malakanyang ILLEGAL MINING SA CAGAYAN ‘DI INAKSYUNAN

KUMBINSIDO ang Malakanyang na may responsibilidad ang hanay ng PNP na magpaliwanag kung bakit may namayagpag na mga hindi otorisadong mining activities sa Cagayan.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, bahagi ng law enforcement ang pagbabantay kontra sa mga ilegal na aktibidad na pagmimina at iyan aniya’y nasa balikat ng PNP.

Aniya, dapat sana’y napigil agad ang illegal mining sa lugar kung naging mahigpit lang ang pagbabantay ng mga awtoridad partikular ang pulisya.

 

DENR at DPWH

Samantala, nais ding paimbestigahan ni Senador Imee Marcos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa kapabayaan sa nangyaring paglubog ng Northern at Central Luzon sa gitna ng pananalasa ng typhoon Ulysses.

Ayon kay Marcos, dapat imbestigahan ng Senado ang man-made disasters dulot ng Angat Dam at Magat Dam dahilan upang lumubog ang maraming residente ng Isabela at Cagayan.

“May I also urge, as stated in my resolution, that we call on the Department of Environment and Natural Resources for failure to maintain the watershed given that the denuded forests were a large part of the catastrophe and further, the illegal mining that occurred in many areas,” sabi ni Marcos.

Paliwanag pa nito, dapat pagpaliwanagin ang DPWH dahil sa pagpapabaya umano nito na magsagawa ng dredging sa Great Cagayan River bago pa manalasa ang bagyong Ulysses.

Sinabi pa ni Marcos, chairperson ng Senate Committee on Economic Affairs, na pagpapaliwanagin din nito ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa akusasyong hindi ito nagpalabas ng flood warnings o typhoon warnings sa Northern at Central Luzon kaugnay ng Bagyong Ulysses.

 

House probe

Kaugnay nito, sisimulan na sa susunod na linggo ng House committee on agriculture ang imbestigasyon sa malawakang pagbaha sa Isabela at Cagayan.

Ito ang inanunsyo ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga, chairman ng nasabing komite sa Ugnayan sa Batasan forum kahapon kung saan target nilang matapos ang imbestigasyon bago ang Christmas break sa Disyembre.

Ayon kay Enverga, ipatatawag nila ang mga opisyal ng Magat Dam sa gagawing imbestigasyon sa Martes, Nobyembre 24, para pagpaliwanagin.

Sinabi ng kongresista na aalamin sa imbestigasyon kung sino ang responsable sa malawakang pagbaha sa mga nabanggit na probinsya at makagawa ng batas upang hindi na ito maulit sa hinaharap.

Magugunita na lumubog ang halos buong probinsya ng Cagayan sa kasagsagan ng Bagyong Ulysses na ayon kay Cagayan Gov. Manuel Mamba ay ngayon lamang nangyari sa loob ng 45 taon. (CHRISTIAN DALE/NOEL ABUEL/BERNARD TAGUINOD)

218

Related posts

Leave a Comment