PNP MAY KINIKILINGAN NGA BA?

PUNA Ni JOEL AMONGO

VIRAL sa social media ang isinagawang press conference sa Camp Crame, Quezon City ­kamakailan kaugnay sa pagsuko ng driver na nanagasa sa guwardiya sa Mandaluyong City.

Si Jose Antonio San Vicente, driver ng RAV4 Plate No. NCO 3781, ang nanagasa kay Christian Floralde, security guard ng isang mall na nagmamando ng trapiko sa Julio Vargas St., Mandaluyong City.

Kitang-kitang sa video kung paanong binundol ng sasakyan na minamaneho ni San Vicente at nang bumagsak sa kalsada sa halip na tulungan niya ang kanyang biktima ay tuluyan niyang sinagasaan at tinakbuhan pa. Tsk! Tsk! Tsk! Kung ganyan nga naman ang tao na binigyan ng pribelihiyo na magkaroon ng lisensiya, kawawa naman ang kanyang mabibiktima.

Buti na lang may nagmalasakit na nakunan ng video ang pangyayari, kung hindi baka nabaliktad pa ang kawawang security guard dahil maimpluwensiya ang pamilya ni San Vicente.

Hindi pa niya pinansin (San Vicente) ang patawag sa kanya ng Land Transportation Office (LTO), ipinakikita lamang niya na matikas siya.

Kaya tama lang ang ginawa ng LTO na bawiin ang driver’s license na ipinagkaloob nila kay San Vicente at siguraduhin nila na hindi na siya mabibigyan pa nito habambuhay.

Lalo pang nagngitngit ang ­netizens nang mapanood nila kung ano ang kaibahan ng pagtrato ng Philippine National Police (PNP) kay San Vicente sa iba pang ordinaryong nagkasala sa batas.

Sabi nga nila, sumuko na raw si San Vicente mismo sa PNP national headquarters, hindi pa ikinulong, samantalang ‘yung isang 80-anyos na kumuha ng 10 kilong mangga na sarili niyang tanim sa Asingan, Pangasinan ay inaresto ng PNP.

Nagkaroon pa ng “manhunt operation” ang mga pulis noong Enero 13 sa Barangay Bantog para arestuhin si Lolo ng mga pulis.

Pero si San Vicente na may matibay na basehan kung paano niyang sinadyang sinagasaan ang kanyang biktima at sumuko pa sa Camp Crame, ay hindi nila ikinulong.

Palibhasa, may sinasabi ang pamilya ni San Vicente at may kasama pa silang abogado sa pagtungo sa Camp Crame.

Hindi rin nakitaan ng pagpa­pakumbaba ang pamilya San Vicente sa isinagawang press conference sa Camp Crame.

Kung ganun din lang ang mangyayari, sana hindi na ipina­kita ng PNP ang kanilang isina­gawang prescon, nagkaroon tuloy ng bulung-bulungan na may ­kinikilingan sila.

Alam naman ng pulisya na lahat ng mga Pilipino ay nakatutok na sa social media kaya wala kayong maitatago at hindi n’yo maiwasan na magkaroon sila ng komentaryo kung ano ang kanilang nakikita sa inyo.

Kaya sa tama lang tayo,  kahit pa makita ng taumbayan ang ginagawa ninyo kung nasa tama naman kayo, ay hindi kayo puPUNAhin ng netizens. ‘Di ba, Gen. Danao, sir?

oOo

Para sa suhestiyon at ­reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0916-441-71-63.

173

Related posts

Leave a Comment