PNP MOTORCYCLE UNIT VS RIDING IN TANDEM CRIMINALS

PINATATAPATAN ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga awtoridad ng kanilang motorcycle unit ang riding-in-tandem criminals na hanggang ngayon ay patuloy ang paghahasik ng lagim sa ibat-ibang parte ng bansa partikular sa National Capital Region (NCR).

Ipinag-utos ni Pangulong Duterte kamakailan na kailangan tapatan ng mga pulis ng kanilang motorcycle unit ang mga kriminal na naka-motor.

Nagalit ang Pangulong sa nag-viral sa social media na isang inosenteng sibilyan na naka-motor ang kitang-kitang walang awang binaril at inagawan pa ng motor at pera.

Ang tinutukoy po natin ay si Niño Luegi Hernando, binaril ng riding in tandem noong Oktubre 9, 2020.

Sa video makikita na si Luegi ay nakasakay sa kanyang motorsiklo habang binabagtas niya ang Brgy. Pase de Blas, Valenzuela City nang lapitan siya mula sa likod ng mga salarin na naka-motor din na bigla siyang binaril.

Kitang-kita rin sa video na kahit sa harap ng maraming tao ay walang takot na ginawa ang pagbaril ng mga salarin sa biktima.

Nakilala na ang mga salarin na sina Rico Reyes a.k.a “Moja” at Narciso Santiago a.k.a “Tukmol” na may patong na sa ulo na tig-300k bawat isa sa kanila.

Sinubaybayan pala ng mga kumag na ito ang kawawang biktima na nanggaling daw pala sa bangko.

Natunugan ng mga suspek ang biktima na may pera kaya nila ito binaril at kinuha ang kanyang motorsiklo.

Malinaw na pagnanakaw ang pakay ng dalawang hunghang na ito sa ordinaryong mamamayan na ang kinuhang pera sa bangko ay malamang pambili pa ng pagkain ng kanyang pamilya.

Kahit ako man nang makita ang ginawa ng mga salarin sa biktima ay kumulo ang dugo sa galit sa pangyayari.

Kaya naman ng mapanood siguro ni Pangulong Duterte ang video ay nagalit at agad ipinag-utos na tapatan ng motorcycle unit ng mga awtoridad ang riding in tandem criminals.

Tama po ang sinabi ni ­Pangulong Duterte na dapat talagang tapatan na ng mga awtoridad ng kanilang motorcycle unit ang mga kriminal na ito.

Hindi po sagot ang paglalagay ng dalawa at malaking plaka sa motorsiklo para masugpo ang riding in tandem criminals, kundi tamang aksyon laban sa kanila.

Kailangang hindi tumigil sa kaiikot ang mga pulis na nakamotor sa kanilang nasasakupan para hindi makagawa ng krimen ang mga kriminal.

May suhestiyon din tayo sa mga awtoridad na gawin nilang volunteer ang riders group para makatulong sa kanilang kampanya laban sa riding in tandem.

Ang riding in tandem ay kaya lang nagmomotor para gumawa ng krimen. Pero kadalasan din ang kanilang ginagamit na mga motor ay hindi nakarehistro at kung minsan ay nakaw pa.

Dahil sa kautusan ni Pangulong Duterte ay sumailalim na sa matinding pagsasanay sa paggamit ng motor ang mga tauhan ng PNP Highway Patrol Group at iba pang unit ng pulisya.

Ito ang binigyang diin ni ­PBGen. Alexande Tagum, ang bagong director ng PNP-HPG kasunod ng kautusan ni Pangulong Duterte na paigtingin ang kampanya laban sa mga motorcycle riding criminals.

Inimbitahan din ni Tagum ang civilian trained riders na magtuturo sa mga bagong gustong makasama sa mga motorcycle units kontra sa mga riding in tandem.

Kabilang din sa naging biktima ng motorcycle riding criminals ay ang retired PNP Provincial Director ng Bulacan na si Col. Fernando Villanueva sa Calumpit ng nasabing lalawigan.

Matagal na nating sinasabi na ang pangtapat sa riding in tandem criminals ay nakamotor din mula sa mga awtoridad.

Sana mawala na ang sinasabing ‘natutulog sa pansitan’ o yung pulis na nasa ‘ilalim ng tulay’. Ibig sabihin sila yung mga pulis na bulakbol na walang ginawa kundi maglakwatsa lang sa halip na magtrabaho ng maayos.

Wala na silang pwedeng ­gawing dahilan na maliit ang kanilang sweldo dahil tinaasan na sila. ‘Nakapaglalaro ang Daga, pag wala ang Pusa’.

Para hindi na makagawa ng krimen ang riding in tandem criminals, kailangang may makikitang motorcycle unit ang PNP na walang tigil sa pag-iikot.

Dapat pasukin na ng motorcycle unit ng PNP ang maliliit na kalye kung saan naghahasik ng lagim ang mga kriminal.

Palakasin din nila ang kanilang intelligence group para lahat ng mga nagbabalak ng masamang gawain tulad ng mga terorista ay mapigilan din.

Dapat laging handa ang mga awtoridad para hindi kayo naiisahan ng mga masasamang loob.

Nakakahiya na mismo ang mga awtoridad pa ang nabibiktima ng riding in tandem criminals.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

184

Related posts

Leave a Comment