PNP pinuri ng Taguig LGU sa pag-aresto sa miyembro ng ‘Tinga Drug syndicate’ P20-M ILEGAL NA DROGA NASABAT

PINAPURIHAN ng Taguig City government ngayong Biyernes ang Taguig PNP matapos ang matagumpay na pag-aresto sa miyembro ng tinaguriang Tinga Drug syndicate sa isang buy-bust operation kung saan nasamsam ang mahigit P20 milyong halaga ng shabu.

Bukod sa kilalang miyembro ng sindikato, nahuli rin ang ibang kasabwat sa pagtutulak ng droga sa isinagawang police operation nitong Miyerkoles sa Mariano St., Barangay Ususan, bandang alas-5:30 ng hapon.

Sa isang police report, naaresto sa naturang operasyon si Patrick Ace Tinga, 24; at siyam na mga kasahaman nitong sina Jovy Cruz, 30; Elmer Bautista, 34; Wenston Ray Lopez, 20; Jessie Aviles, 24; Jomari Lopez, 19; Chris Klein Lopena, 19; Adrian dela Cruz, 22; John Paul Esteban, 26; at John Christian Roxas, 34. Dalawang menor de edad naman ang nasagip sa operasyon.

Nasabat ang mahigit tatlong kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P20,400,000 at aabot sa 41.7 gramo ng marijuana na may halagang P50,040; tatlong digital weighing scale; dalawang keypad cellphone; isang eco bag; P8,000 na iba’t ibang pera mula sa ibang bansa; at dalawang P200 bills na merong dusting powder mula sa Southern Police District Crime Lab.

Nasabat din ng pulisya ang isang blue book ng kanilang mga kliyente sa bentahan ng droga.

Ayon kay Taguig Mayor Lino Cayetano, ang pag-aresto at pagkumpiska sa ilegal na droga ay pruweba na ang lungsod ng Taguig ay seryoso sa kampanya ng pamahalaan kontra droga at hindi hadlang ang pandemya sa COVID-19 sa labang ito.

“Nais namin na ang bawat Taguigeño ay ligtas. Ibig sabihin nito ay gagawin namin ang kinakailangan, na saklaw ng batas, upang protektahan ang sambayanan hindi lamang sa COVID-19 kundi pati na rin sa ilegal na droga at sa sindikato sa likod ng pagkalat nito,” wika ni Mayor Lino.

Noong 2016, nasentensyahan si Joel Tinga, isa sa mga miyembro ng Tinga drug syndicate, ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilango dahil sa pagbebenta ng droga.

Isa pang miyembro ng sindikato, si Elisa “Ely” Tinga, asawa ni Noel Tinga at sinasabing pinsan umano ni dating Taguig Mayor Freddie Tinga, ay nahatulan din ng parehong parusa noong February 2017.

Si Elisa ay tinaguriang third most wanted person sa listahan ng illegal drug personalities. Siya ang pang-pito sa Tinga drug syndicate member na nahuli at nakulong.

Kaugnay nito, ipinatutupad din ng Taguig government ang one-strike policy laban sa mga business establishment na pinapayagan ang mga customer nito na gumamit ng ilegal na droga.

Sa ilalim ng polisiya, ang city government ay may karapatang tanggalan ng business permit ang mga establisimyento na lalabag dito.

Meron ding programa ang local government upang tulungang ma-rehabilitate ang mga drug user at sagipin sila mula sa masamang bisyo. Ang Taguig Anti-Drug Abuse Council ay mayroong two-month program upang ma-reintegrate ang mga nasagip sa komunidad bilang matino at responsableng kababayan. (JESSE KABEL)

194

Related posts

Leave a Comment