PNP TRACKER TEAM NAKATUTOK SA KILLER NG BROADCASTER

PINAKILOS ni Philippine National Police chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang kanyang mga tauhan para magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon at tugisin ng binuong tracker team ang mga responsable sa pagpatay sa radio broadcaster na binaril noong Marso 20 sa Barangay Robles, La Castellana sa Negros Occidental.

Kinondena at pinaiimbestigahan agad ng PNP ang kaso ng pagbaril at pagpatay kay Julito “Jaz” Diamante Calo, ang 49-anyos na radio announcer at host ng “Waswasanay sa Quinto Distrito” sa 88.3 DNN News FM.

Tiniyak ng PNP na tutugisin nila ang mga pumatay sa broadcast journalist habang nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa kaso.

Ayon sa ulat, nakatayo si Calo sa labas ng kanyang bahay nang lapitan ng isang puting SUV at pinagbabaril ng isa sa mga sakay nito, na naging sanhi ng kanyang dagliang kamatayan.

Ayon kay Gen. Nartatez, naka-deploy na ang tracker team upang hanapin ang mga salarin, at inatasan ang regional at provincial police na pabilisin ang imbestigasyon.

Samantala, ayon naman kay PNP Spokesperson at Public Information Office chief, PBGen. Randulf Tuaño, una rito ay isang special task force ang binuo ng pulisya para magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa insidente upang malaman kung ano ang motibo sa krimen na iniuugnay sa trabaho ng biktima bilang radio broadcaster o sa pagiging job order employee nito sa lokal na pamahalaan sa lugar.

(JESSE RUIZ)

78

Related posts

Leave a Comment