POEA REPATRIATION AND ASSISTANCE UNIT TINATAWAGAN NG PANSIN

SUNOD-SUNOD na sumbong ang aking natanggap mula sa mga kabayani na nasa Saudi Arabia dahil sa among manyak at ang isa naman ay ang kanyang sweldo ay ginagawang hulugan.

Ang aking tinutukoy na sumbong ay nagmula kay OFW Manilyn Rafols na kasalukuyang nasa Arrar, Saudi Arabia. Dumating siya sa nasabing bansa noong Hulyo 19, 2019 sa pamamagitan ng Pinoy Overseas Workers Employment Resources Corporation at ang kanyang ahensya sa Saudi Arabia ay ang International Diplomatic Agency.

Ang sumbong ni OFW Manilyn ay tungkol sa kanyang sweldo na mistulang ginagawang hulugan ng kanyang employer na si Azziza Al Enazi. Diumano ay isang taon at limang buwan na siya na nanunungkulan sa kanyang amo at simula pa nang siya ay ­dumating ay hindi niya natatangap ng buo ang kanyang sweldo.

Ang kanyang amo ang nagpapadala ng kanyang sweldo sa kanyang pamilya at ang ipinadadala lamang nito ay 1,000 saudi Riyal na ang dapat sana ay SR2,500 base sa kanyang kontrata. Ang tanging sinasabi lamang ng kanyang employer ay ibibigay ang kabuuan ng kanyang sweldo kapag siya ay pauwi na sa Pilipinas.

Ang ikinababahala pa ni OFW Manilyn ay ang sinabi sa kanya ng kanyang employer na ibabawas din sa natitirang sweldo ang pinambayad sa ticket sa eroplano patungo sa Saudi at pati na rin ang ginastos sa pagkuha ng iqama.

Ilan beses na rin siyang nagsumbong sa kanyang ahensya sa Pilipinas na Pinoy Overseas Workers Employment Resources Corp. ngunit wala pa rin itong ginagawang aksyon o anumang paraan upang kausapin ang kanyang employer.

Samantala ang ikalawang sumbong ay nagmula naman kay OFW Regina Ferer na nasa Dammam, Saudi Arabia. Dumating siya sa nasabing bansa noong Disyembre 24, 2019 sa pamamagitan ng ­Sophia and Natasha ­Manpower at ang kanyang Saudi Arabia Recruitment Agency (SRA) ay ang AL Qaisar Recruitment Office.

Ayon kay OFW Regina pinagtatrabaho siya sa tatlong bahay kabilang ang tahanan ng tatay ng kanyang employer. Ang masaklap ay hindi naman siya regular na pinapasweldo nito. Sa katunayan ay dalawang buwan na siyang hindi nakakatangap ng kanyang sweldo.

Bukod pa rito ay isinusumbong din niya ang pambabastos o pangmamanyak sa kanya ng 21 taong gulang na anak ng kanyang employer. Minsan nga raw ay hinila siya nito sa sala at hinawakan ang kanyang dalawang kamay at saka pinaghahalikan. Nag-iiyak siya at nagmamakaawa na huwag siyang lapastanganin at mabuti na lamang at hindi naituloy ang masamang balak ng kanyang binatang anak ng amo.

Ngunit hindi rito nagtatapos ang ginagawang pambabastos sa kanya dahil malimit ay bigla naming siya hinahatak at saka hinahalikan at kung minsan naman ay hinahawakan ang kanyang dibdib.

Labis-labis ang paki-usap ni OFW Regina na siya ay masaklolohan at makauwi na sa Pilipinas bago pa man ­tuluyang may masamang mangyari sa kanya dahil sa ginagawa ng kanyang manyakis na amo.

Ganito rin ang paki-usap ni OFW Manilyn na siya ay masaklolohan na POEA upang siya ay makauwi na sa Pilipinas. Hinihiling din niya na siya ay matulungan na masingil ang kanyang kabuuang sweldo.

Ang AKOOFW ay nakiki-usap kay Director Maybelle Gorospe, ang pinuno ng Philipppine Overseas Employment Administration (POEA) Repatriation and Assistance Unit upang matulungan na masaklolohan at makauwi na sa lalong madaling panahon sina OFW Manilyn at OFW Regina.

*******

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address drchieumandap@yahoo.com o subaybayan ang aking programa “Bantay OFW” kasama si Alden Estolas ­tuwing Biyernes ng alas 6:00 ng gabi sa DWDD 1134KHz AM at sa UP UP Pilipinas tuwing Miyerkoles ng alas 3:00 ng hapon kasa si Col Gerry Zamudio.

400

Related posts

Leave a Comment