POGO EXODUS ITINANGGI NG MALAKANYANG

ITINATWA ng Malakanyang na may exodus sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa gitna ng COVID-19 crisis.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na malinaw ang requirements ng Department of Finance (DOF) para sa pagbabalik ng POGO operations.

Iyon nga lamang aniya ay may ilang POGO firms na bigong magbayad ng kanilang tax dues, na isang requirement bago mag-resume ng operasyon.

Tinatayang nasa 20 mula sa 60 lamang ang sumunod sa requirements ng Department of Finance at Bureau of Internal Revenue.

“Hindi naman po exodus ‘yan dahil malinaw naman po ang naging polisiya ng Department of Finance: Pay up otherwise hindi kayo pupuwedeng mag-POGO operations dito,” ani Roque.

Aminado naman si Sec. Roque na mayroong POGO operator na umalis ng bansa dahil pinaghihinalaan ito ng Chinese Government na pinopondohan ang mga demonstrador.

Aniya pa, dapat matuwa ang mga kritiko ng POGO lalo na at nababawasan ang mga nag-o-operate nito sa bansa.

Sa datos ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), aabot sa 94.7 billion pesos ang naiaambag ng POGO sa ekonomiya ng Pilipinas na maaaring umabot ng hanggang 104 billion pesos.

Ang reaksyon ng Malakanyang ay kasunod ng pahayag ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na naabisuhan umano siya mula sa may-ari ng gusali sa Makati City na ang mga offshore gaming operator ay nagsimula nang magkansela ng kanilang lease contracts.

Napag-alaman na una nang sinabi ni Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) Chairperson

Andrea Domingo na mayroong halos 90,000 Chinese nationals sa POGO industry. (CHRISTIAN DALE)

91

Related posts

Leave a Comment