IGINIIT ni House Ways and Means committee chairman Albay Rep. Joey Salceda sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na obligahin na ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na magkaroon ng Gaming Employment License o GEL ID ang kanilang mga dayuhang empleyado.
Sinabi ito ni Salceda sa harap ng inaasahang pagbabalik-operasyon ng POGO sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Paliwanag ng kongresista, makatutulong ang GEL ID para madaling matukoy ng gobyerno ang mga lehitimong POGO at may kakayahang magbayad ng tamang buwis.
Sa GEL ID na ibibigay ng PAGCOR sa bawat empleyado ng POGO, dapat maglaman ito ng taxpayer identification number (TIN) at Bureau of Internal Revenue (BIR) work permit number.
Nauna nang inihayag ni Ang Probinsyano Party-List Rep. Ronnie Ong, vice-chair of the House Committee on Games and Amusements, na dapat nuong Enero ay nasimulan na ng PAGCOR ang pamamahagi ng GEL ID sa mga POGO worker.
Samantala, nais din ni Salceda na magprisinta ang Chinese POGO workers ng sertipikasyon na dumaan sila sa cultural seminar kung saan tuturuan sila ng tamang asal sa Pilipinas gayundin ng clearance na sumailalim sila sa testing at COVID-free.
Pinayagan ng Inter-Agency Task Force ang partial operation ng POGOs dahil ayon sa PAGCOR ay makatutulong ito para makalikom ng pondong pandagdag para sa COVID-19 response ng gobyerno. JEFF TUMBADO
