KINUMPIRMA ng pamunuan ng PNPA na nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang isang police major mula sa police academy matapos na ipagharap ng sexual harassment complaint ng isang kadete.
Ayon sa PNPA, nasampahan na ng mga kasong kriminal ang pulis at isang kasong administratibo naman ang isasampa ng PNPA laban sa naturang personnel.
Tiniyak naman ng academy na kasalukuyan na silang nagpapaabot ng psychological support sa biktima ng panghahalay at umapela ang paaralan na respetuhin at proteksyunan ang privacy ng biktima.
Bigong kunan ng pahayag ang tagapagsalita ng PNP noong Huwebes nang subukang kunan sila ng kanilang pahayag hinggil sa isang police officer na sinampahan ng kasong acts of lasciviousness sa Silang-Amadeo Municipal Circuit Trial Court, dahil sa reklamo ng isang kadete noong nakalipas na buwan.
Sinasabing inaresto noong Hulyo 31 ang isang 35-anyos na police major matapos ireklamo ng seksuwal na pang-aabuso ng isang 23-anyos na kadete sa PNPA.
Ayon sa PNPA, nangyari ang insidente habang nananatili pa ang kadete sa isolation facility bago ang kanyang pormal na paglabas mula sa akademya. Naghain siya ng reklamo sa piskalya, at magsasampa rin ng kasong administratibo ang PNPA.
“The perpetrator is now under the full custody of the law,” ayon sa PNPA. Tinitiyak din ng akademya ang pagbibigay ng psychological support sa biktima.
Iginiit ni PNPA Director Brigadier General Andre Dizon na ligtas pa ring magsanay ang mga kadete sa akademya at tinawag ang insidente bilang “isolated case” at “personal choice, not an organizational culture.”
Batay sa ulat ng CALABARZON PNP, nilasing umano ng opisyal ang kadete at humiling ng masahe. Habang nasa barracks, hinubaran umano ng opisyal ang kadete at sinimulan itong abusuhin sa maselang bahagi ng katawan, kabilang na ang pagsasagawa ng oral sex kahit paulit-ulit na tumanggi ang biktima.
Nang makarating sa tanggapan ng National Police Commission ang insidente ay agad na kinondena ni Vice Chairperson Rafael Vicente Calinisan ang pangyayari at posibleng rape at hindi lamang acts of lasciviousness umano ang kaso.
“This is the police academy, so wala ho talagang puwang ang ganitong klase ng actuations,” aniya. “Dapat ang buong PNP, ang buong Napolcom, imbestigahan ito… Hindi ito example ng tamang pamamaraan.”
Magugunitang taong 2018 ay may tatlong senior cadet ang sinibak dahil din sa kasong sexual harassment sa dalawang kadete.
(JESSE RUIZ)
