Clickbait ni JO BARLIZO
NAKATUTOK ang atensiyon kay dating pangulong Rodrigo Duterte na ngayon ay nasa The Hague para harapin ang reklamong crimes against humanity sa International Criminal Court.
Magkakasalungat ang iba’t ibang opinyon at reaksyon ng mga Pilipino sa pag-aresto at pagpapadala kay Duterte sa ICC. Ano ang kahihinatnan ng kanyang kaso?
Mapabalik nga kaya siya agad sa bansa gaya ng iginigiit ng kanyang kampo o mananatili siya ng walo o higit pang taon sa Netherlands kapag umusad ang kaso?
Napakaraming tanong na kailangan ipaubaya sa mga dalubhasa lalo pa’t usaping legal. Abangan at subaybayan na lang ng madla ang mga kaganapan.
Habang sumisiklab ang mga balita at haka-haka sa kaso ay ibaling din natin ang pokus sa mga isyu na may malaking tipak din sa araw-araw na pamumuhay ng mga Pinoy. ‘Wag tayong malibang sa ika nga nila’y political drama dahil sa huli taumbayan pa rin ang talo riyan. May mga isyu pa rin na kailangang tutukan at abangan.
Gaya ng inaasahang pagsirit ng kaso ng dengue sa Hulyo na dapat paghandaan at ngayon pa lang ay bigyan ng sapat na atensyon.
Babala ng Department of Health (DOH) sa publiko, may posibilidad na tumaas pa ang mga kaso ng dengue sa Hulyo, lalo na sa panahon ng tag-ulan. Ano ang ginagawang paghahanda ng pamahalaan sa inaasahang outbreak ng dengue? Iyan ang abangan habang ginagampanan ng publiko ang sariling pag-iingat nang hindi madapuan ng sakit na banta sa buhay at kalusugan.
Isa pang puwedeng ikabahala ay ang pagtataya ng BMI, isang yunit ng Fitch Solutions, na lolobo ang konsumo ng bigas ng Pilipinas hanggang 2029.
Ayon sa ulat, lalagpasan ng konsumo ang produksyon ng bigas kaya kukulangin ng hanggang 6.1 milyong metric tons hanggang 2029. Ayan, sobra ang konsumo kaysa produksyon kaya kailangan pa rin ng tulong dahil hindi kaya ng mga Pinoy na magsarili? Pasok na naman ang importasyon.
Ayon sa pagtataya ng BMI, nasa 30 porsyento ng konsumo ng bansa noong 2024 at ngayong 2025 ay mula sa pag-angkat. Gayunman, ayon sa pag-aaral, ang tinatayang 2.6 porsyentong pagbaba kada taon ng lokal na produksyon ng bigas noong 2024 ay bunsod ng masamang kondisyon ng panahon.
Limitado na umano ang lupang taniman, mga bagyo at dumaraming populasyon, ayon pa sa ulat.
Paano sasandigan ng pamahalaan ang lokal na produksyon kung hindi kikilos para mapalaki ang ani? Andyan naman kasi ang importasyon, na humihilot ng kakulangan.
‘Yan ang solusyon? Kailan ba talaga magiging sapat ang bigas para sa mga Pilipino? Hindi lang sapat kundi ‘yung abot-kaya.
Sapat na lang atang mangarap ang mga Pinoy kapag salat sa kaalaman at malasakit sa kapwa ang mga may katungkulan.
