(CHRISTIAN DALE)
NAGDADALAWANG-ISIP na ang mga politiko na suportahan ang impeachment laban kay Vice-Presidente Sara Duterte.
“Totoo naman na medyo nagdadalawang-isip ang mga politiko na suportahan ang pagpapanagot kay Vice President Duterte,” pag-amin ni Teddy Casino, chairperson ng Bagong Alyansang Makabayan at isa sa nagpahayag ng pagsuporta sa impeachment.
Sinabi ni Casiño na hindi ito ang unang pagkakataon na ang impeachable official ay nagkaroon ng malaking rally para pigilan ang impeachment, tinukoy ang kaso ni dating Pangulong Joseph Estrada, sabay sabing “it did not stop the House from doing its duty.”
Ani Casino, hindi dapat tumitingin ang mga mambabatas sa laki ng bilang ng crowd kundi dapat aniya ay sa ebidensiya kung ang isang impeachable official ay ‘niloko’ ang tiwala ng publiko.
Aniya pa, tatlong impeachment complaints na nakahain laban kay VP Sara ang “patalbog-talbog” ngayon sa antas ng House secretary-general hanggang maubos na ang oras dahil sa napipintong pagsisimula naman ng opisyal na campaign period para sa 2025 midterm elections.
“Kakaiba…Ministerial lang ‘yan, dapat automatically pinapasa na sa Office of the Speaker,” aniya pa rin.
Sa ilalim ng rules of impeachment, mayroon lamang 10 araw ang Speaker para ipadala ang impeachment complaint sa committee on rules.
Nauna rito, sinabi ng House Secretary-General na hinihintay nito ang pang-apat na impeachment complaint bago pa ipadala ang reklamo kay Speaker Martin Romualdez.
Samantala, inamin naman ni Casiño na ang mapayapang rally na dinaluhan ng milyong miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) ay maaaring nagamit para hikayatin ang ilang mambabatas na pag-isipang mabuti ang usapin ng impeachment.
Marcos Jr. ‘Di
Nabago Posisyon
Samantala, hindi nabago ng National Rally for Peace ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kontra sa pagsisikap na i-impeach si Vice President Sara Duterte.
“The President’s position on the impeachment move in the HoR (House of Representatives) has not changed,” ang sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin nang tanungin kung mayroong epekto ang malawakang rally sa paniniwala ng Pangulo na hindi dapat i-impeach si VP Sara.
Sa ulat, hayagang sinabi ni Pangulong Marcos na kontra siya sa balakin na i-impeach o patalsikin sa puwesto si VP Sara dahil maaapektuhan umano ang trabaho ng mga kongresista at senador.
Ang katwiran ng Pangulo, hindi ikagaganda ng buhay ng mga Pilipino ang pag-impeach kay VP Sara.
Bukod sa usapin kung papaano o saan ginamit ni Duterte ang kanyang confidential funds na iniimbestigahan ng mga kongresista, naging kontrobersyal ang isiniwalat nito na may kinausap na siyang papatay kina Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Martin Romualdez, kung may masamang mangyari sa kanya.
Ididiretso Sa Senado
Kaugnay nito, ikakasa ang tinatawag na “third mode” sa impeachment process laban kay VP Sara upang hindi na ito dumaan sa Office of the Speaker at magkaroon pa ng mahabang pagdinig sa House committee on justice.
Sa radio interview kay House Secretary General Reginald Velasco, isiniwalat nito na nais ng nakararaming congressmen na idiretso sa Senado ang impeachment complaint laban kay Duterte kaya humihingi umano ang mga ito ng sapat na panahon.
“Anytime pwede ko na itransmit sa Office of the Speaker (ang unang tatlong reklamo). Ang binibigyan ko lang ng panahon ay ang pakiusap ng mga House members, pag-aralan yung mga tatlong complaint na nai-file earlier at of course they are also planning to file another complaint,” ani Velasco.
“Ang gusto po nila ay full proof na complaint at maaaring mas marami ang mag-endorse kasi po under our rules, if one-third of the House members, that was about 103 members of HOR, diretso na po sa Senado yun,” dagdag pa ng opisyal.
Ito ang tinatawag na third mode na ginamit na paraan ng Kongreso noong panahon ni dating House speaker Manny Villar sa impeachment complaint laban kay dating pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada noong December 2000.
Ang first mode ay dadaan sa Speaker of the House, House rules committee at Justice committee ang isang impeachment complaint kung saan maaaring ibasura o hindi sa committee level ang reklamo.
Second mode naman kung tawagin ang paraan kung saan maaaring baligtarin ng mayorya sa mga mambabatas ang isang desisyon ng justice committee pagdating sa botohan sa plenaryo ng Kongreso. (May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)
