PONDO NG GOCCs PINATATAPYASAN

ISINUSULONG ni Senador Sherwin Gatchalian na gamitin ang pondo ng mga naluging government-owned and controlled corporations (GOCCs) para mailagak sa disaster relief at COVID-19 programs ng pamahalaan.

Sinabi ni Gatchalian na upang mapunan ang pangangailangan sa pagtugon sa pandemya at kalamidad, dapat na ilipat na lang dito ang ilang bahagi ng P200 bilyong subsidiya sa susunod na taon na ibibigay sa naluging GOCCs.

“Habang nagiging limitado ang pondo ng gobyerno dahil sa gastusin sa coronavirus pandemic, mas naging nakababahala ang sitwasyon matapos ang sunod-sunod na pagtama ng mga bagyo na nag-iwan ng malaking pinsala sa atin,” ani Gatchalian.

Sinabi ni Gatchalian na dahil sa taun-taong dinadalaw ng kalamidad ang bansa ay dapat pinaghahandaan na rin ito ng gobyerno sa pamamagitan ng paglalaan ng mas malaking pondo para sa kaligtasan ng mga tao at tulungan agad makabangon sakali mang masalanta ng mga kalamidad.

“Sira ang mga tahanan at nawala ang ari-arian ng mga kababayan nating nasalanta ng mga magkakasunod na bagyo. Lugmok na rin ang mga lokal nilang opisyal sa kawalan ng pondo para sa kanilang mga nasasakupan dahil nagastos na nila itong pang-ayuda sa mga tao magmula ng magkaroon ng COVID-19 pandemic,” dagdag pa ng senador.

Sa isang budget hearing sa Senado, napag-alaman ni Gatchalian na may inilaang P201 bilyong subsidiya sa panukalang 2021 national budget para sa 118 GOCCs.

Sa nasabing pagdinig, binanggit ni Governance Commission for GOCCs (GCG) chairman Samuel Dagpin Jr. na ang ilan sa mga naluluging GOCCs ay inirekomenda na nilang buwagin, isa na rito ang PNOC Renewables Corporation (PNOC RC), isang subsidiary ng Philippine National Oil Company (PNOC), na pitong taon nang hindi kumikita.

Dagdag pa ni Dagpin na nagsumite na ang GCG ng rekomendasyon sa Office of the President noon pang Marso para tuluyan nang ipatigil ang operasyon ng PNOC RC.

“Wala nang dahilan para iendorso ko ito lalo na’t may isang ahensya na nagsasabi na dapat nang i-abolish ang PNOC RC. Mas mamarapatin kong irekomenda sa mga namamahala nito na simulan na ang proseso ng absorption ng mga empleyado, pati na rin siguro ang liquidation at pagsasaayos ng mga assets ng PNOC RC. Iyan ang aking rekomendasyon at iyan din ang aking magiging rekomendasyon sa plenaryo ng Senado,” giit ni Gatchalian. (NOEL ABUEL)

200

Related posts

Leave a Comment