NAGPAHAYAG ng pag-aalala ang Philippine Inter-Island Shipping Association kung bakit dalawang winning bidders ang nakakuha sa 13 kontrata sa pamamahala sa iba’t ibang pantalan na iginawad ng Philippine Ports Authority (PPA).
Ang masaklap dahil mala-duopoly na nangyayari ngayon sa PPA, patuloy naman ang nagrereklamo bunsod ng walang patumanggang paniningil ng matataas na taripa na isa sa itinuturong dahilan kung bakit tumataas at tataas pa ang mga presyo ng bilihin.
Ang dalawang kompanya na may hawak ng malalaking kontrata para sa 13 pantalan ng PPA ay ang Harbour Centre Port Holdings na pag-aari ni House Deputy Speaker Mikee Romero ng 1-Pacman Partylist at Rommel Ibuna, may-ari ng PCBSI Prudential Customs Brokerage Services, Inc.
Dahil dito, sinabi ng PIISA na lubhang mapanganib ang sistema ngayon, lalo’t bukod sa mataas na taripa na may direktang epekto sa mga presyo ng bilihin, tinatamaan na rin ang mga Small and Medium Enterprises (SMEs) na namumuhunan sa pantalan.
Silang mga SMEs na namamahala ng pantalan ay nagbibigay ng sapat kundi man mahusay na serbisyo sa mga gumagamit ng pantalan sa makatwirang halaga.
Walang posibilidad na makalahok ang mga kasalukuyang port operators sa bidding dahil labis na tinaasan ng PPA ang kinakailangang puhunang salapi o ang tinatawag na minimum paid-up capital ng isang kwalipikadong bidder.
Dati-rati ang puhunan ng port operator ay naglalaro sa P30 milyon – P50 milyon, ngunit ngayon, ang kinakailangang paid-up capital ng bidder para makasali sa bidding ay tinatayang aabot sa P150 milyon – P200 milyon.
Makatwiran ang halaga ng taripa nung ang pamamahala ng pantalan ay paghahawak ng mga kooperatiba at SMEs o kumpanyang maliit o katamtaman ang laki.
Subalit sa pagpasok ng mga dambuhalang korporasyon, umakyat ng hanggang 700% ang halaga ng taripa sa Puerto Princesa, at 400% sa Tacloban. Ang mga consignee at sa huli ang pangkaraniwang mamamayan ang magbabayad sa pagtaas ng taripa sa pakain at general goods na ito.
Wala naman bago o mas magandang serbisyo ang inihahatid ng Harbour Centre at PCBSI sa mga pantalan nilang nakamit.
Ayon sa Philippine Chamber of Commerce Tacloban-Leyte, kumpara sa napalitang operator ng Tacloban port, ang kita ng bagong operator ay tataas ng P242.7 milyon. Wala naman daw malaking gagastusin pa ang bagong operator dahil halos kumpleto na ang pangangailangan ng pantalan para ipagpatuloy ang trabaho ng napalitang operator.
Tinawag pa ito na isang uri ng “economic sabotage” na kung saan ang bagong operator at ang PPA lamang ang kikita ng labis-labis sa kapinsalaan ng taumbayan.
Ayon sa PPA, minamanadali rin ng PPA ang pa-bid sa 12 pang kontrata ng pantalan bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 2022.
Hindi tuloy maiwasan ang mga ipinakakalat na tsismis ng ilang ‘Marites’ sa PPA na baka naghahabol na ng ‘baon’ sa kanilang pag-alis ang mga kasalukuyang opisyales ng naturang ahensiya — bagay na dapat ipaliwanag ng mga opisyal na sina ng PPA General Manager Jay Santiago, mga Assistant General Manager Elmer Cadano at Hector Miole na hindi ito totoo.
Nakahanda naman ang pahayagang ito para sa anomang kasagutan ng grupo nina Santiago.
236
